ni Lolet Abania | January 6, 2021
Tinatayang 74 overseas travelers ang nagpositibo sa test sa COVID-19 matapos na magpatupad ng mas mahigpit na restriksiyon ang bansa para mapigilan ang pagpasok ng bagong coronavirus variant, ayon sa isang opisyal ng gobyerno.
Sa naganap na news conference sa Palasyo ngayong Martes, sinabi ni National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon na ang nasabing 74 cases ay naitalang dumating sa bansa simula December 22, 2020 hanggang January 3, 2021.
Negatibo naman ang resulta ng mga tests na isinagawa sa 3,610 travelers na bumalik sa bansa, kung saan may kabuuang 3,684 overseas travelers ang nai-record na dumating sa mga panahong iyon.
“Mababa naman po siya pero hindi po talaga natin kayang itaas ang risk para sa ating mga kababayan dito sa Pilipinas, kaya po talaga kahit na po mag-negative ay kailangan pa rin natin i-quarantine ang ating mga kababayan nang 14 days,” sabi ni Dizon.
Dagdag ni Dizon, ang samples ng mga nagpositibo sa test sa COVID-19 ay ipinadala na sa Philippine Genome Center and the Research Institute for Tropical Medicine upang alamin kung ang bagong variant ng coronavirus ay nakapasok sa bansa.
Matatandaan noong December 24, 2020, nagpatupad ang bansa ng travel ban sa mga biyahero na nanggagaling sa United Kingdom dahil sa bagong variant ng coronavirus na mas madaling makahawa.
Naiulat na ang bagong variant ay unang na-detect sa UK noong September, 2020. Naglabas din ng listahan ng 20 bansa para isagawa ang travel restrictions na magtatapos sa January 15, 2021.