top of page
Search

ni Lolet Abania | January 23, 2021




Masusing pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) kung ang UK variant ay higit na nakamamatay kaysa sa COVID-19.


Ayon kay Dr. Edsel Salvana, director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng National Institutes of Health sa University of the Philippines (UP) Manila, premature pa umano na ituring na mas nakamamatay ang bagong variant sa kasalukuyan. Subalit aniya, ikinokonsidera pa rin nila ang posibilidad na mas mapanganib ang nasabing sakit.

Matatandaang nagbabala ang mga opisyal ng United Kingdom na posibleng mas nakamamatay ang UK variant ng COVID-19 na unang nadiskubre sa kanilang bansa.


Ayon kay UK Chief Scientific Adviser Patrick Vallance, may mga ebidensiyang nagpapakita na mataas ang tsansa na mamatay ang isang tao sa mga edad 60 at pataas kapag tinamaan ng UK variant ng COVID-19.


Ipinaliwanag ni Vallance na kung dati, 10 ang namamatay mula sa 1,000 senior citizens na tinamaan ng orihinal na COVID-19, posibleng pumalo sa 13 hanggang 14 ang bilang ng mamatay kapag na-infect ng bagong variant ng nasabing virus.


Samantala, kinumpirma ng DOH na may 16 na bagong kaso ng UK variant ng COVID-19 sa bansa na umabot na sa kabuuang 17 cases.


Sa nasabing bilang, 12 kaso ay matatagpuan sa Bontoc, Mountain Province, kung saan ilan dito ay menor-de-edad, ayon sa inilabas na anunsiyo ng DOH ngayong Sabado.


Ayon sa DOH, sa 12 tinamaan ng UK variant sa Bontoc, pito rito ay lalaki at limang babae kung saan tatlo sa kanila ay below 18-anyos habang ang tatlong iba pa ay 60-anyos pataas.


“Ang kanilang mga edad ay 3 at 18. We have cases as young as 5 and 10 years, no, from these 12 cases, and the other three naman po ay over 60 years,” sabi ni DOH Epidemiology Bureau Specialist Dr. Alethea de Guzman sa isang live briefing.


Sinabi pa ni Guzman, 11 sa 12 naitalang kaso ay mula sa isang barangay.

 
 

ni Lolet Abania | January 22, 2021




Negatibo na ang resulta ng swab test sa Pinoy na nagpositibo sa UK variant ng bagong Coronavirus at residente ng Quezon City, ayon sa lokal na pamahalaan ng lungsod ngayong Biyernes.


Sa inilabas na statement ng city government, ang mga doktor sa quarantine facility kung saan nanatili ang tinawag na si ‘patient zero’ ay nagsabing maaari na siyang ma-discharge sa pasilidad anumang oras.


Subalit, ayon sa lokal na pamahalaan, ang nasabing male patient ay mananatili pa rin sa health monitoring nang dalawang linggo.


Matatandaan na ang nasabing pasyente na residente ng Barangay Kamuning ay dumating sa bansa sakay ng isang flight mula sa United Arab Emirates noong January 7. Nagtungo siya sa abroad kasama ang kasintahan noong Disyembre para sa isang business trip.


Noong Miyerkules, ayon sa Department of Health (DOH), ang ina at kasintahan ng male patient ay nagpositibo sa test sa COVID-19. Ang resulta ng test ng dalawa ay ipinadala na sa Philippine Genome Center upang alamin kung sila ay infected din ng bagong coronavirus variant.


Samantala, nakilala na ng Quezon City government ang 143 indibidwal na nakasalamuha ng nasabing pasyente.


Patuloy namang nagbigay-babala ang lokal na pamahalaan sa mga residente sa diskriminasyon na maaaring mangyari sa lugar, matapos na ma-detect ang bagong variant na pinaniniwalaang mas madaling makahawa, dahil sa may kaukulang parusa ang lalabag sa anti-discrimination ordinance.

 
 

ni Lolet Abania | January 13, 2021





Kinumpirma ng Department of Health (DOH) at Philippine Genome Center (PGC) ngayong Miyerkules na ang bagong coronavirus variant na unang nadiskubre sa United Kingdom ay na-detect na sa bansa.


“The DOH and the PGC today officially confirm the detection of the B.1.1.7. SARS-CoV-2 variant (UK variant) in the country after samples from a Filipino who arrived from the United Arab Emirates on January 7 yielded positive genome sequencing results,” ayon sa kanilang pahayag.


Isang lalaki ang nagpositibong ito na residente ng Quezon City.


Umalis ang naturang Pinoy papuntang Dubai noong December 27, 2020 para sa isang business trip at dumating sa bansa noong January 7, 2021 sakay ng Emirates Flight No. EK 332.


Isinailalim sa swab test at naka-quarantine sa isang hotel ang pasyente nang dumating sa bansa.


Nagnegatibo naman sa test sa SARS-CoV-2 ang kasama niyang babae sa kanyang business trip.


Kasalukuyang nagsasagawa sa nasabing babae ng mahigpit na quarantine at monitoring.


Ayon sa DOH, na-secure na ang mga flight manifest at nagsasagawa na ng contact tracing sa ibang mga pasaherong nakasalamuha ng pasyente.


Pinapayuhan din ng ahensiya ang mga sakay ng Emirates Flight No. EK 332 na makipag-ugnayan sa kanilang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs).


Samantala, ang limang variants na kasalukuyang mino-monitor sa buong mundo ay ang mga sumusunod:

  • South Africa: 501Y.V2, nakitaan sa 10 bansa

  • Malaysia: 1701V

  • Nigeria: P681H

  • Denmark: Cluster 5

  • China: D614G, most widespread and dominant

 
 
RECOMMENDED
bottom of page