top of page
Search

ni Lolet Abania | February 13, 2021




Umabot na sa kabuuang bilang na 44 ang na-detect na may UK variant ng COVID-19 sa bansa, kung saan 19 ang nadagdag na tinamaan ng nasabing sakit, ayon sa Department of Health (DOH).


Sa pahayag ng DOH, ang nadagdag na kaso ng UK variant patients ay bahagi ng ika-6 na batch ng 718 samples na natapos na i-sequence ng University of the Philippines-Philippine Genome Center noong Pebrero 8.


“The sixth batch of samples were sourced from all regions, except BARMM, and were selected to ensure representation of each region as well as areas where spikes in cases have been reported.”


Ayon sa DOH, tatlo sa dagdag na kaso ay binubuo ng isang 10-anyos na batang lalaki, isang 54-anyos na babae, at isang 33-anyos na lalaki na kasalukuyang naninirahan sa Region XI.


Lahat sila ay active cases na mayroong mild symptoms. Dalawa naman sa nasabing kaso ng UK variant ay matatagpuan sa CALABARZON. Isang 20-anyos na babae na nakapag-swab test noong December 22, 2020 na walang nakasalamuhang may COVID-19 habang ang isa ay 76-anyos na babae na na-expose sa isang positive case noong Enero 21.


Sinabi pa ng DOH na walo ang umuwing Pinoy na galing abroad, kung saan apat dito ay lalaki at apat na babae. Ang mga pasyente ay nasa edad 28 hanggang 53. Anim sa mga pasyente ay nasa isolation facilities habang ang dalawa ay nakarekober na sa virus.


Inaalam naman ng mga awtoridad kung ang huling anim na nadagdag ay mula sa local cases o mga returning overseas Filipinos. Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng ahensiya ng contact tracing at imbestigasyon sa kaso ng UK variant sa bansa.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | February 11, 2021




Kahapon lang napag-alaman ng Quezon City government na sa Riverside, Bgy. Commonwealth nanunuluyan ang 35-taong gulang na OFW na nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 noong Enero 18 gayung Pebrero 5 pa natuklasan ng Philippine Genome Center na positibo ito at itinuturing na pang-walong kaso ng UK variant sa bansa.


Humihingi ng paliwanag si Mayor Joy Belmonte sa Bureau of Quarantine kung bakit pinayagang makalabas sa quarantine hotel ng Maynila ang lalaking OFW. Inaalam na rin ng pamahalaang lungsod ang pananagutan ng manning agency ng OFW sa hindi pagsunod sa quarantine protocol lalo’t ang agency pa mismo ang nag-book ng sasakyan nito papunta sa tinutuluyang apartment sa Riverside Commonwealth, Quezon City.


Ayon sa ulat, Agosto pa noong nakaraang taon nang dumating ang lalaki sa Liloan, Cebu galing abroad. Nu'ng Nobyembre ay bumiyahe na ito papuntang Maynila para asikasuhin ang mga papeles pabalik abroad.


Mula noon ay hindi na ito nakabalik sa Liloan. Matatandaang inihayag ng Department of Health na positibo sa UK variant ang dalawang residente ng Cebu. Naunang nagpositibo ang 54-taong gulang na lalaking balikbayan na residente ng Talisay City. Kalauna’y nakarekober din ito.


Samantala, nagpapagaling pa ang 35-taong gulang na taga-Liloan at ngayong araw ay nakatakdang ilipat sa home facility ng Quezon City upang doon sumailalim sa quarantine.


Sa ngayon ay puspusan na ang contact tracing at testing sa lungsod.


 
 

ni Lolet Abania | February 6, 2021




Umabot na sa 25 ang bilang ng kaso ng COVID-19 na may B.1.1.7 variant na unang na-detect sa United Kingdom, ayon sa pahayag ng Department of Health (DOH).


"Following the sustained biosurveillance efforts of the government, the Department of Health (DOH), the University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) and the UP-National Institutes of Health (UP-NIH) confirm the detection of eight (8) additional COVID-19 cases positive for the B.1.1.7 variant (UK variant)," ayon sa statement ng DOH ngayong Biyernes. Gayunman, siniguro ng ahensiya na wala nang iba pang variant silang na-detect bukod dito.


"This brings the total B.1.1.7 variant cases in the country to 25. The DOH, UP-PGC, and UP-NIH further report that no other variant of concern has been detected," dagdag ng ahensiya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page