top of page
Search

ni Lolet Abania | July 29, 2021



Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ngayong Huwebes ng 97 karagdagang kaso ng mas nakahahawang Delta COVID-19 variant kaya umabot na sa 216 ang kabuuang kaso.


Ayon sa DOH, ang 88 sa bagong nai-report ay local cases, 6 ay returning overseas Filipinos (ROFs), habang ang 3 iba pang kaso ay bineberipika pa. Sa anim na ROFs, 2 ay seafarers mula sa MT Clyde and Barge Claudia, kung saan ang naturang barko ay kasalukuyang nakahimpil sa lalawigan ng Albay, habang 4 ay crew members ng MV Vega na dumating mula sa Indonesia.


Sinabi pa ng DOH, ang 94 sa pinakabagong Delta variant cases ay nakarekober na, habang ang tatlo ay namatay. “The DOH is coordinating with the respective local government units to determine other information, such as exposure and vaccination status,” batay sa pahayag ng DOH.


Samantala, 83 ang nadagdag sa Alpha variant cases habang 127 sa Beta variant cases na na-detect sa pinakabagong genome sequencing run, kung saan may kabuuang 1,858 Alpha cases at 2,146 Beta cases na sa 'Pinas. Sa pinakabagong kaso ng Alpha variant, 58 ay local at 25 naman ang bineberipika.


Nakarekober na sa sakit ang 70 cases habang bineberipika pa ng mga awtoridad ang 13 iba pa. Sa kabuuang 127 bagong Beta cases, 87 ay local at 40 naman ang patuloy na bineberipika. Isang kaso rito ay nananatiling active, 86 ang nakarekober at ang kasalukuyang estado ng 29 ay bineberipika pa.


Nakapagtala naman ang DOH ng 22 dagdag na kaso ng P.3 variant na unang na-detect sa Pilipinas. “Following the detection of additional cases with variants of concern, it is imperative for local government units to immediately crush clusters of infection and observed increases in cases in their respective jurisdictions to reduce transmission,” ayon sa ahensiya.

 
 

ni Lolet Abania | July 27, 2021



Kinumpirma ng San Juan City na may dalawang kaso ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19 sa kanilang lokalidad, isa rito ay menor-de-edad.


Sa Facebook page, sinabi ni Mayor Francis Zamora na kabilang sa dalawang Delta variant cases ay isang 9-anyos na lalaki at isang 25-anyos na babaeng empleyado.


Ang 25-anyos na babae ay nagtatrabaho sa isang call center sa ibang siyudad sa Metro Manila at nagpositibo sa test sa virus noong Hulyo 1.


“She was asymptomatic and finished her quarantine on July 13,” ani Zamora. Ang ikalawang Delta variant patient ay nakaranas ng lagnat, maging ang kanyang mga magulang ay tinamaan din ng COVID-19. Ang ama ng bata ay naging close contact at officemate ng 25-anyos na babaeng pasyente na infected ng nasabing variant. “The family underwent quarantine at the Kalinga Center starting July 1 and were released on July 15,” sabi ni Zamora.


Ayon sa alkalde, naipaalam lamang sa city government ang sequenced samples ng mga pasyente nitong Lunes, na halos isang linggo na matapos na makumpleto ang kanilang quarantine.


Sinabi ni Zamora na para mas maiwasan ang maaaring transmissions, ang lokal na pamahalaan ay nagsagawa ng mas masidhing contact tracing. “We are taking all necessary precautions against the spread of the COVID-19 Delta variant,” diin ni Zamora.


“All health and safety protocols are being strictly implemented while stringent contact tracing is being conducted to make sure we arrest the spread of the virus,” sabi ng mayor. Sa ngayon, ang San Juan City ay nakapagtala ng 110 active cases ng COVID-19. Gayundin, ang San Juan ay isa sa mga lungsod na nakakumpleto na ng first dose ng COVID-19 vaccines para sa 100% ng kanilang populasyon na 18-anyos pataas.


 
 

ni Lolet Abania | July 27, 2021



Kinumpirma ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna ngayong Martes ang 18 kaso ng Delta variant ng COVID-19 na nai-record sa probinsiya.


Sa isang Facebook post, ayon kay Laguna Governor Ramil Hernandez, ang mga pasyente ay posibleng nakarekober na o gumaling na sa sakit dahil sa umaabot sa dalawa o tatlong linggo bago matukoy ang COVID-19 variant.


“Subalit hindi pa rin nawawala ang posibilidad na sila ay maaaring nakahawa bago na-test at na-clear, lalo kung nagkaroon ng exposure at close contact,” ani Hernandez.


Gayunman, pinaalalahanan ni Hernandez ang kanyang mga nasasakupan na mas maging maingat, kabilang na rito ang mga fully vaccinated, iwasan ang mga matataong lugar at laging isagawa ang minimum health protocols.


Ang Laguna ay isa sa mga lugar na isinailalim sa GCQ with heightened restrictions hanggang Hulyo 31. Sa ngayon, nakapagtala ang bansa ng 119 Delta variant cases, habang 12 dito ay nananatiling active cases.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page