top of page
Search

ni Lolet Abania | August 14, 2021



Nasa 67 healthcare workers ang nagpositibo sa test sa COVID-19 habang isa ang naitalang tinamaan ng Delta variant sa Tuguegarao City sa Cagayan.


Sa Laging Handa briefing ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ngayong Sabado, sinabi nitong sa 77 frontliners, 67 healthcare workers ang nagpositibo sa swab test sa virus at karamihan sa kanila ay asymptomatic at symptomatic mild cases lamang.


“We have a Delta variant case as of the other night as confirmed to me by the DOH [Department of Health]. But I am sure it is not only one, because the patient was with other members in their household that tested positive,” ani Soriano. “But I’m almost sure, we have more than one Delta variant in Tuguegarao City,” dagdag niya.


Ayon kay Soriano, ang isang kaso ng Delta variant ay nakarekober na habang patuloy ang contact tracing sa mga naging close contacts ng pasyente. Sinabi rin ng mayor na mayroong 773 active COVID-19 cases ang Tuguegarao at nasa 63 ang bagong kaso na nai-record nitong Biyernes.


“We have an occurring problem regarding our healthcare utilization rate, as well as the staff who will monitor our isolation units. Hospitals and isolation units are in full capacity,” saad ni Soriano.


Umapela naman si Soriano sa national government para sa nakalaang cash aid sa 22,790 pamilyang apektado sa Tuguegarao City dahil sa enhanced community quarantine (ECQ), kung saan isinailalim ang lugar sa pinakamahigpit na restriksiyon mula Agosto 12 hanggang 21.


Gayunman, ayon kay Soriano, mahigit sa 30,000 indibidwal sa kabuuang 75,000 na naka-register sa vaccination program ng siyudad ang nabakunahan na. “In the A1 [healthcare workers] category, 78% were vaccinated. In A2 [senior citizens] we had a difficulty, only 61% of the more than 20,000 senior citizens were vaccinated. In the A3 category [persons with comorbidity], we have 95% vaccinated. We are already at A4 [frontline personnel in essential sectors] with 27%,” ani Soriano.

 
 

ni Lolet Abania | August 13, 2021



Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ngayong Biyernes na mayroon nang tatlong kaso ng Delta variant ng COVID-19 na na-detect sa kanilang hanay.


Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Ronaldo Olay, ang impormasyon ay pinatotohanan ni Administrative Support for COVID-19 Task Force commander Police Lieutenant General Joselito Vera Cruz. “Yes. We have three confirmed Delta variant cases.


They were tested COVID positive last July and had finished their 14-day isolation,” ani Vera Cruz sa isang mensahe kay Olay. Gayunman, ayon kay Vera Cruz, ang mga resulta ng kanilang genome sequencing ay nailabas lamang ngayong buwan.


Dahil dito, ang tatlong police personnel na nakatalaga sa Aviation Security Group (AVSEGROUP) ay isinailalim sa isa pang RT-PCR test at bilang payo na rin ng Department of Health. Isa sa kanila ay muling nagpositibo sa virus at ngayon ay na-admit sa isang isolation facility sa isang local government unit (LGU).


Isa sa police personnel naman ay negatibo na sa sakit, subalit inilagay pa rin sa home quarantine habang nakatakda siyang sumailalim sa isang test uli sa Huwebes. Ang isa pang pulis na naka-home quarantine ay naghihintay pa ng kanyang resulta.


Ayon pa kay Vera Cruz, base sa AVSEGROUP, ang naging mga close contacts ng mga infected na PNP personnel ay negatibo naman sa test sa COVID-19. Sa ngayon, nakapagtala na ang PNP ng kabuuang 32,077 COVID-19 cases kabilang dito ang 158 bagong kaso sa hanay ng kapulisan. Nasa tinatayang 30,147 ang nakarekober habang 1,841 ang nananatiling active cases. Umabot naman sa 89 ang nasawi matapos na isang pulis ang namatay dahil sa COVID-19.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 7, 2021



Umabot sa 1,848 ang nahuli sa paglabag sa ipinatutupad na curfew hours sa Metro Manila sa pagsasailalim sa rehiyon sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar noong Sabado.


Ani Eleazar sa isang panayam, "Base sa ulat na na-receive natin, there was a total of 1,848 accosted na violator.


"Six hundred five ang binigyan ng warning. At para magmulta, mayroong 1,235. At merong walo pa na for community service.”


Hanggang sa Agosto 20 epektibo ang ECQ sa Metro Manila at ang curfew hours ay tuwing 8 PM hanggang 4 AM.


Saad pa ni Eleazar, "Malaking bagay ang curfew para malimitahan ang paglabas ng mga tao."


Pinaalalahanan din ni Eleazar ang mga authorized persons outside residence (APOR) na bibili ng essential goods na lumabas ng bahay sa oras na hindi aabot sa curfew.


Aniya pa, "Consumer APOR, dapat i-avail lang during the period na walang curfew."


Ang mga driver naman ng pampublikong transportasyon na nahuling lumalabag sa ipinatutupad na mga health protocols kabilang na ang “one seat apart” rule ay binigyan din ng mga ticket habang ang mga hindi APOR ay pinauwi.


Ang mga hindi naman nakasuot ng face shields sa mga pampublikong transportasyon ay pinababa ng sasakyan.


Saad pa ni Eleazar, "Hindi muna prayoridad ang pagkuha ng temperatura ng mga dumadaan sa mga checkpoint dahil ina-assume na natin na kapag APOR ka at ikaw ay lumabas, dapat maayos ang iyong pakiramdam.


"Posibleng makabagal lamang sa daloy ng trapiko ang paglalagay ng thermal scanner sa mga quarantine control points.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page