top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 20, 2021






Umabot sa 7,999 ang karagdagang kaso ng COVID-19, habang 597 ang mga gumaling at 30 naman ang pumanaw, ayon sa datos ng Department of Health ngayong araw, Marso 20.


Sa kabuuang bilang ay umabot na sa 656,056 ang naitalang kaso sa bansa.


Tinatayang 85.7% o 562,484 ang mga gumaling, habang 1.97% o 12,930 ang namatay.


Kaugnay nito, nasa 223 na ang naitalang positibo sa UK variant ng COVID-19, kung saan 46 ang nadagdag.


Samantala, 62 naman ang nadagdag sa South African variant at umabot na sa 152 ang kabuuang bilang.


Sa ngayon ay anim ang naitala ng DOH sa P.3 variant na may kabuuang bilang na 104.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 20, 2021




Posibleng umabot sa mahigit 10,000 kada araw ang madaragdag na positibo sa COVID-19 sa pagtatapos ng Marso dulot ng mabilis na hawahan sa Metro Manila, ayon sa babala ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group ngayong araw, Marso 20.


Aniya, “The reality is medyo kinukulang na tayo sa oras kasi 'yung projection natin 10,000 cases by the end of the month, mukhang possible talaga, aabutan 'yan kung walang significant change sa trend na mangyayari.”


Ikinabahala rin niya na posibleng mapuno ng mga pasyente ang bawat ospital sa Metro Manila sa loob lamang ng 2 linggo.


Dahil dito, inirekomenda niya ang hard general community quarantine (HGCQ), kung saan ipinagbabawal ang social gatherings at indoor dining. Iginiit din niya na muling ipatupad ang work-from-home arrangement o ang pag-i-issue ng quarantine pass sa mga empleyadong required pa ring pumasok sa trabaho habang naka-work from home ang ilang industriya.


Dagdag pa niya, “In terms of numbers, itong record-breaking number natin, hindi pa ito ang full. In fact, una pa lang ito sa record-breaking, sad to say.


Ayaw nating mangyari 'yan, pero 'yan ang katotohanan kasi may momentum 'yung trend, may momentum 'yung pandemic right now and mahirap pigilan 'yung momentum especially at this level na we're getting 7,000 cases, 3,800 in Metro Manila.”


Sa ngayon ay nananatili sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, habang sumasailalim naman sa specialized localized lockdown ang ilang lugar dito.


Kahapon ay naitala ang 7,103 na karagdagang kaso ng COVID-19 at tinatayang pinakamataas na ulat mula nang magka-pandemic.


 
 

ni Lolet Abania | March 18, 2021




Iminungkahi ng isang eksperto mula sa OCTA Research sa pamahalaan na iprayoridad nito ang pagbabakuna sa mga residente sa National Capital Region (NCR). Sa interview kay Dr. Guido David sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery kahapon, ipinunto niyang ang NCR ay itinuturing na sentro ng pandemya kaya apektado ang sitwasyon ng mga mamamayan sa buong bansa.




“Lalo na't limited ‘yung vaccine rollout natin, ang recommendation sana natin, ma-priority natin ‘yung NCR kasi nandito naman talaga ‘yung center,” ani David. Dagdag pa niya, ang coronavirus ay hindi na kakalat pa kung sa tinatayang 7 o 8 milyong residente sa Metro Manila at mga kalapit-rehiyon nito gaya ng Calabarzon at Central Luzon ay mababakunahan.


Dahil din dito, marami ang magkakaroon ng immunity lalo na sa mga lugar na mataas ang kaso ng COVID-19.


Sinabi pa ni David na mahabang panahon ang gugugulin ng gobyerno para mabakunahan ang 70% kabuuang populasyon ng bansa, kung saan tinatayang nasa 70 milyong Pinoy ang dapat ay magkaroon ng immunity.


Matatandaang noong nakaraang buwan, ipinahayag ni David na kada araw, ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa NCR ay aabot sa 5,000 sa March 31, base sa kanilang projected reproduction number na isinagawa na nangyayari na rin sa ngayon.


“Actual cases are now beating projections. Reproduction number in NCR estimated to be around 1.8. This surge is increasing faster than we thought,” ani David. “If Rt = 1.8, then we will have more than 4,000 cases by March 31 (may even reach 5,000 per day) in NCR,” dagdag pa niya.


Ayon pa kay David, nakatanggap din sila ng reports na karamihan sa mga kaso ngayon ng COVID-19 ay naipapasa sa mga pamilya at kasama sa bahay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page