ni Madel Moratillo | January 30, 2023
Bahagyang tumaas ang 7-day positivity rate ng COVID-19 sa Metro Manila. Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Ayon kay OCTA Fellow Dr. Guido David, hanggang nitong Enero 28, 2023, nasa 2.4% ang positivity rate sa National Capital Region nitong Enero 27, mula sa 2.0% lamang noong Enero 26.
Noong Enero 20, ang positivity rate sa rehiyon ay naitala sa 2.5%. Sa kabuuan ng bansa, bahagya ring tumaas ang positivity rate sa 2.4% mula sa dating 2.1%.
May naitala ring 199 bagong kaso ng sakit sa bansa kaya umabot na sa 4,072,844 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa bilang na ito, 10,038 ang aktibong kaso. Sa ngayon, pumalo na sa 65,757 ang nasawi dahil sa virus sa bansa.
Umabot naman na sa 3,997,049 ang kabuuang bilang ng nakarekober sa bansa sa COVID-19.