top of page
Search

ni Lolet Abania | May 20, 2021




Iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabakuna ng donasyong Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccines sa indigent population, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.


Ayon kay Roque, ibinaba ng Pangulo ang direktiba batay sa kondisyon na ibinigay ng global aid na COVAX Facility na nag-donate ng 193,050 doses ng Pfizer-BioNTech vaccines na nai-deliver na sa bansa.


“Ipinag-utos ni Presidente na ibigay ang Pfizer sa mahihirap at indigent population. Under COVAX guidelines, it is A1, A2, A3 and A5,” ani Roque sa press briefing ngayong Huwebes.


Sa ilalim ng vaccination program ng gobyerno, ang A1 ay mga health workers, A2 ay mga senior citizens, A3 ay mga taong may comorbidities habang ang A5 ay mga mahihirap at indigents.


Ang A4 naman ay mga essential workers o mga kinakailangang mag-report physically sa trabaho sa kabila ng umiiral na quarantine restrictions.


“Iyong Pfizer, hindi po ‘yan ilalagay sa mall. Ilalagay ‘yan sa barangays na mababa ang uptake ng vaccine,” diin ni Roque.


“On A4, we will use the ones (vaccines) paid for by the government,” dagdag ng kalihim.


Batay sa naging evaluation ng Food and Drug Administration (FDA) ng bansa, ang Pfizer-BioNTech ay may efficacy rate na 95% sa isinagawang study population habang may 92% naman na angkop para sa lahat ng lahi.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 18, 2021




Pinaboran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na gawing prayoridad sa COVID-19 vaccination rollout ang mga mahihirap na mamamayan, batay sa kanyang public briefing ngayong umaga, May 18.


Aniya, "This is really for the poor, because if they get sick, they do not have the money. Let us be real about it… Wala silang pambili. They are at the mercy of their poverty. It is the sacred duty of the government to look after them.”


Matatandaang pang-5 pa sa prayoridad mabakunahan kontra COVID-19 ang mga low income families, kung saan mauuna muna ang mga health workers, senior citizens, persons with comorbidities at economic frontliners.


Tugon naman ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr., “Ito po ang gusto naming i-suggest sa inyo dahil marami sa business sector at saka po sa COVAX na dapat buksan na natin ang A4 at A5. Dapat, ang bakuna, unahin ang mahihirap.”


Dagdag nito, “Kung makita natin ang recommendation ng business sector, karamihan ng Gabinete at sa Senate, eh, ibukas na po natin as soon as possible time. Puwede na tayo mag-start sa mahihirap para ang mga bakuna sa COVAX ay mabigyan ang mahihirap.”


Tiniyak din ni Galvez na magiging mas mabilis na ang vaccination rollout sa bansa, kung saan 500,000 katao ang tina-target mabakunahan kada araw, upang tuluyang maabot ang herd immunity sa pagsapit ng Nobyembre.


Iginiit pa nitong sasapat na ang suplay ng COVID-19 vaccines sa pagdating ng milyun-milyong doses ng bakuna sa kalagitnaan ng Mayo.


Kabilang dito ang inaasahang 2.2 million doses ng Pfizer, 1.3 million doses ng Sputnik V at karagdagang 500,000 doses ng Sinovac. Darating din sa Hunyo ang 3.3 million doses ng AstraZeneca (kabilang ang 1.3 million na binili ng private sector), ang 250,000 doses ng Moderna (kabilang ang 50,000 na binili ng private sector), at ang 2 million doses ng Sputnik V.


Sa kasalukuyan nama’y tinatayang 7,779,050 doses ng mga bakuna na ang dumating sa ‘Pinas, kung saan 3,001,875 ang mga nabakunahan.


Nilinaw din ni Pangulong Duterte na hindi dapat mamili ng brand ng COVID-19 vaccines ang mga nais magpabakuna upang mapabilis ang rollout.


“‘Wag n'yo na silipin kung Moderna, Pfizer, or AstraZeneca because I won’t allow it. Mahirap ka man o mayaman, kung gusto mo, pumunta ka sa vaccination sites. If you are there in the community, go there and have yourself vaccinated with any of the vaccines available. They are all potent, they are all effective. So there is no reason to be choosy about it,” aniya.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 5, 2021




Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati ang mga bansang nag-donate ng AstraZeneca COVID-19 vaccines sa COVAX facility upang maging matagumpay ang pagdating ng bakuna sa ‘Pinas kagabi, Marso 4.


Kabilang sa mga bansang binanggit niya ay ang Norway, France, Italy, Spain, The Netherlands, Sweden, Denmark, Belgium, Austria, Greece at Australia. Iginiit din ni Pangulong Duterte na ang hindi nila pagkalimot sa mga mahihirap na bansa katulad ng Pilipinas ay maituturing na “plus for humanity”.


Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang KLM flight mula sa Belgium na naghatid ng 487,200 doses ng AstraZeneca at inaasahang makakatanggap ang bansa ng mahigit 5.5 million hanggang 9.2 million doses nito mula sa COVAX facility ngayong taon.


Ayon naman kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., unang makakatanggap ng AstraZeneca COVID-19 vaccines ang UP-Philippine General Hospital (UP-PGH) at iba pang referral hospitals na naunang pinadalhan ng bakunang Sinovac.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page