ni Lolet Abania | April 27, 2022
Nasa 3.6 milyon na mga expired COVID-19 vaccine doses ang nakatakdang palitan ng COVAX facility na walang karagdagang babayaran o additional cost, ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Sa taped Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinalabas ngayong Miyerkules, sinabi ni Duque na nakausap na nila ang mga COVAX representatives at hiniling nila sa kanila na palitan hindi lamang ang mga donated vaccines na malapit nang mag-expire kundi pati na rin ang mga na-procured ng gobyerno.
“’Yung COVAX, meron po silang stockpile ng mga bakuna with longer shelf life. So ang gagawin, ‘yung mga nag-expire na sa atin, umabot na ng mga about 3.6 million doses, which is just about 1.46% of our total inventory ng bakuna. So, yes sir, papalitan po ‘yan. Ire-replace ng COVAX facility,” report ni Duque kay P-Duterte.
Ang nasabing 1.46% vaccine wastage ay mas mababa kumpara sa 10% indicative wastage rate na ginamit ng World Health Organization (WHO).
Ang COVAX ay isang global vaccine-sharing program na inilunsad noong 2020 para matiyak na ang mga COVID-19 vaccines ay makakaabot sa mahihirap na mga bansa.
Sa parte naman ni Pangulong Duterte, masaya niyang tinanggap ang pagpapalit ng mga expired COVID-19 vaccines, kung saan gagawin ito ng COVAX nang libre.
“That’s nice of them to do that,” ani Pangulo. “That’s a distinct humanitarian sentiment.”
Nitong Lunes, ayon sa DOH, mahigit sa 67.4 milyong indibidwal o 74.98% ng target population ng gobyerno ang fully vaccinated na laban sa COVID-19.