ni Mabel G. Vieron @Gulat Ka 'No?! | August 12, 2023
Natural na sa atin ang pag-iyak pero kakayanin n’yo kaya ang ginawa ng isang content creator sa Nigeria? Sinubukan niya lang namang umiyak ng 100 hours.
Yes, mga ka-BULGAR 100 hours para sa Guinness World Record.
Malamang sa malamang ay nais n’yo rin malaman kung sino nga ba itong lalaking itinutukoy ko, ‘wag na tayong magpadalus-dalos pa dahil siya lang naman si Daniel Tembu na sumalang noong Hulyo 9.
Nang nasa ika-anim na oras na siya ng kanyang crying marathon, itinigil niya ito dahil umano nakakaramdam siya ng pananakit ng ulo, pamumula ng mga mata at pamamaga ng mukha. Bukod dito, ang pinakamalalang sintomas na kanyang natamo ay hindi na siya nakakakita!
Matapos ang 45-minutes na pahinga, unti-unting bumalik ang paningin ni Daniel, ngunit hindi na malinaw kung ipinagpatuloy pa ba nito ang crying marathon at kung nakumpleto ba niya ang 100 hours na pag-iyak.
Naging viral ito at nakaabot sa Guinness World Records Organization ang balitang ito, naglabas din sila ng official statement ukol dito.
Ayon sa kanila, ang crying marathon na ginawa ni Tembu ay hindi isang Guinness World Record official attempt. Ito ay dahil wala umano silang category na “longest time crying” o kahit anong may kinalaman sa pag-iyak. Kaya kung nakumpleto man ni Tembu ang 100 oras na pag-iyak, mukhang masasayang lang ang kanyang effort dahil ‘di rin naman pala ito kikilalanin ng Guinness.
Mabuti na lang talaga ay mas inintindi ni Tembu ang kanyang mga nararamdaman kaysa manalo.
Kung ako kay Tembu, baka lalo pa akong maiyak dahil biruin mo ‘yun? Matapos niyang subukan ang 100 hours na pag-iyak ay wala siyang mapapala? Hindi rin biro ang pag-iyak ng anim na oras ‘no!
Kaya mga ka-BULGAR ating isaisip kung ano ang magiging kahihinatnan ng ating mga gagawin, okie?