ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 21, 2021
Pinaghahandaan na ng Metro Manila Council (MMC) ang posibleng pagdami ng kaso ng COVID-19 Delta variants sa rehiyon.
Humihiling ang MMC ng karagdagang 5,000 contact tracers upang mapaigting ang tracing at gayundin ang pagte-test.
Saad ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos, "Importanteng maalalayan namin ang kaso sa mga lugar namin. Makita namin kaunting increase, galaw kaagad kami.
"Puwedeng lockdown kaagad o magre-report kaagad kami. At of course, tuluy-tuloy pa rin ang swabbing, testing at isolation. Dapat paghandaan nang husto ito. Iba na 'yung baka mabulaga tayo.”
Nanawagan din ang MMC sa national government na panatilihin ang istriktong border controls.
Samantala, matatandaang pinalawig ng pamahalaan ang travel ban sa mga biyaherong galing sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, at Oman hanggang sa June 30 dahil sa Delta variant ngunit nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi nito saklaw ang mga Pinoy na kabilang sa repatriation program ng gobyerno.