top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | October 25, 2021



Humihiling ng dagdag na pondo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Kongreso para madagdagan ang bilang ng contact tracers ng COVID-19 cases sa 2022.


Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, extended ang kontrata ng 15,000 contact tracers hanggang sa katapusan ng taong ito.


“Pero humihiling kami sa Kongreso na bigyan kami ng budget to increase this up to 25,000 for the year 2022. Na miss out ito sa budgeting. Na-realize naman ng ating mga mambabatas na importante ang contact tracing so humihingi kami ng 25,000 contact tracers sa budget for 2022,” pahayag ni Densing.


Dagdag pa ni Densing, bukod sa 15,000 contact tracers, magha-hire pa sila ng dagdag 10,000 sakaling maaprubahan ang hinihinging budget.


Aniya, humihingi sila ng P6.2 bilyon para sa 25,000 COVID-19 contact tracers.

 
 

ni Lolet Abania | August 6, 2021



Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pondo para sa pag-rehire sa 15,000 contact tracers na tutulong sa gobyerno para tugunan ang COVID-19 response hanggang sa katapusan ng 2021, ayon kina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Senador Bong Go ngayong Biyernes.


Sa isang statement, sinabi ni Año na ang pag-apruba ni Pangulong Duterte sa naturang pondo ay makatutulong sa mga local government units (LGUs) para patuloy na maresolbahan ang mga kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang lokalidad.


“On behalf of our local government units (LGUs), lubos kaming nagpapasalamat kay Pangulong Duterte sa karagdagang pondo para magpatuloy ang serbisyo ng [15,000] contact tracers,” ani Año.


Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Go na ang mga kontrata ng karagdagang mga contact tracers ay nagsimula na noong Agosto 2.


Gayundin, ang gagastusin ng gobyerno sa pagkuha ng mga bagong contact tracers ay umabot sa tinatayang P1.7 bilyon.


“Our contact tracers play an important role in managing the pandemic and not squandering the chance for early preparation,” sabi ni Go.


Noong Hulyo 23, nagpadala ng liham si Año sa Pangulo na humihiling sa karagdagang P1.7-billion budget para mapalawig ang serbisyo ng mga contact tracers nang hanggang Disyembre 2021. Ang mga kontrata ng mga ito ay mag-e-expire ngayong buwan.


Ayon kay Año, sakaling ang serbisyo ng 15,000 contact tracers ay mag-expire, ang kabuuang bilang sa buong bansa ng mga contact tracing personnel ay mababawasan ng tinatayang 13%, kung saan ang magiging operational capacity na lamang nito ay 72% na taliwas sa ideyal na bilang nito.


Sa House hearing noong Miyerkules, binanggit naman ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang kakulangan sa pondo para sa contract renewal ng mga contact tracers ang “pangunahing isyu at malaking problema” na kinakaharap ng pamahalaan.


 
 

ni Lolet Abania | July 15, 2021


Binawasan na ang mga itinalagang contact tracers na mula sa dating 50,000 ay naging 15,000 na lamang.


Ayon sa isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ito ay dahil sa kakulangan sa pondo.


Sinabi ni DILG Assistant Secretary Odilon Pasaraba, hiniling na rin ng ahensiya na mabigyan sila ng karagdagang pondo para makapag-hire ng maraming contact tracers.


“We used to have 50,000 at dahil sa budget, nag-reduce tayo ng 15,000 contract tracers na lamang,” ani Pasaraba sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.


Gayunman, ayon kay Pasaraba, ang Department of Budget and Management ay magbibigay ng karagdagang budget para sa contact tracing.


Matatandaang sinabi ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Bejamin Magalong na ang ideyal na ratio ng para sa urban setting ay dapat 1:30 to 37 habang para sa rural areas naman ay 1:25 to 30.


Ayon kay Pasaraba, tinatarget na ng ahensiya ang makamit ang 1:10 contact tracing ratio na ini-require naman ng Department of Health.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page