top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 12, 2021




Magpapatuloy na ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 dahil sa mahigpit na quarantine restrictions na ipinapatupad sa bansa, ayon kay OCTA Research Group Member Dr. Guido David ngayong Lunes, Abril 12.


Aniya, "’Yan ‘yung inaasahan natin na dire-diretsong pagbaba. By next week baka nasa downward trend na tayo, hopefully, or next next week.”


Iginiit din niyang mula sa mahigit 10,000 na nagpopositibo kada araw ay magiging 7,000 na lamang ito at bababa pa iyon nang bababa sa pagpapatuloy ng quarantine.


"Effective naman ang ECQ kasi nakita nating bumaba ang reproduction number sa NCR... ‘Di pa masasabing nagpa-flatten na ang curve kasi 1.24 pa ang reproduction number pero may ilang lungsod sa Metro Manila na pababa na, katulad ng Pasay at Marikina, bumababa na ang cases doon."


Sa ngayon ay isinasailalim na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR Plus at iba pang lugar. Ibinaba na rin sa 8 pm hanggang 5 am ang curfew hours, at maging ang mga ruta ng pampublikong transportasyon ay nadagdagan na rin.


Ayon naman kay Spokesperson Harry Roque, tinatayang 3,156 hospital beds ang inaloka ng pamahalaan sa mga ospital, kung saan 64 ICU beds ang nadagdag sa critical cases, habang 2,227 regular beds para sa moderate at severe cases, at 765 isolation beds para sa mild at asymptomatic cases.


Batay sa huling tala ng Department of Health (DOH), pinakamataas na ang 55,204 na mga gumaling sa COVID-19. Samantala, 11,681 naman ang mga nagpositibo, at 201 ang pumanaw.


Kahapon din ay dumating na ang karagdagang 500,000 doses ng Sinovac COVID-19 vaccines mula sa China, na tanging bakunang gagamitin sa pagpapatuloy ng rollout.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 14, 2021




Dalawampung residente ang hinuli sa Pateros, Manila matapos lumabag sa curfew hours na sinimulang ipatupad sa lungsod kagabi, pasado alas-10 hanggang alas-5 nang madaling-araw.


Ayon sa ulat, kabilang sa mga nahuli ang isang tricycle driver na bukod sa paglabag sa curfew ay napag-alamang expired na rin ang lisensiya nito.


Tinatayang P2,000 ang multa ng mga nahuli at 12 na oras silang mananatili sa covered court bilang parusa. Ngayong darating na ika-15 ng Marso ay magiging epektibo na ang curfew hours sa buong Metro Manila.


Sinimulan ang pagpapatupad sa curfew hours, liquor banned at localized enhanced community quarantine sa NCR upang masugpo ang lumalaganap na COVID-19 pandemic.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page