ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 23, 2021
Humingi ng paumanhin ang aktres na si Angel Locsin sa mga naabala ng binuksan niyang community pantry sa Quezon City matapos itong dagsain ng mga tao at hindi nasunod ang ilang health protocols.
Una nang inianunsiyo ni Angel na magbubukas ang community pantry nang alas-10 nang umaga ngunit aniya ay maaga silang nagbukas dahil sa dami ng mga tao.
Pahayag ni Angel, “Dapat po, magsisimula ang pagbubukas ng community pantry nang alas-10 nang umaga, pero nu’ng dumating kami nang 7 AM dito, nakita po namin na mahaba na po ‘yung pila. So, nagmadali po kami na mag-load ng mga gulay, kasi kinuha pa po namin ‘yun sa bagsakan.
“Dapat, ‘yung alas-10 namin na pagbubukas, nag-open po kami ng mga alas-8 pasado po at nagsimula naman po kami na maayos naman po.”
Ayon din sa aktres ay sinusunod ng mga nakapila ang social distancing at nagpamigay din umano sila ng mga stubs at listahan ng mga maaaring orderin upang mas mapabilis ang pila.
Ngunit saad ni Angel, “Then, parang habang ini-interview po ‘yung mga task force, parang ‘yung mga wala pong stubs, ang pagkakakuwento po sa akin… kasi busy po ako, nagbibigay po ako ng goods, eh… parang ‘yung mga walang stubs, sumingit sa pila.
“Naiintindihan ko naman po kasi kanina pa rin po sila naghihintay pero ‘yun po talaga ang dahilan kung bakit nagsiksikan. Pero nag-umpisa po kami na maayos po talaga.”
Aniya ay naglagay din sila ng mga markers upang masigurong nasusunod ang social distancing ng mga nakapila. Nagpatulong din umano sila sa munisipyo at barangay upang maging maayos ang sistema.
Saad pa ni Angel, “Nagpatulong din po kami sa munisipyo na mabilis din naman po ang pagtugon… sa aming barangay din po. May mga pumunta rin po ritong mga pulis saka military na tumulong din naman po, pero hindi lang po nila talaga makontrol ‘yung mga tao.”
Aniya pa, “Hindi po ito ang gusto ko. Nagsimula po kami na maayos po ang aming layunin. Pati po ang aming pagpaplano ng social distancing. Nagkataon lang po talaga na siguro, gutom lang po talaga ‘yung tao na kahit wala po sa pila, sumingit na po sila.”
Humingi rin ng dispensa si Angel sa insidente.
Aniya, “Sa mga nagambala ko po rito, pasensiya na po. Hindi po talaga ito ang intensiyon ko. Kahit ano’ng paghahanda naman po natin para ma-avoid ‘yung mga ganitong gulo, hindi lang po talaga siya makontrol kahit na nandito na po ‘yung munisipyo, military, pulis, barangay… lahat po nandirito na po. Hindi lang po talaga namin makontrol.”
Saad pa ni Angel, “Sa mga hindi po nabigyan, hindi po mabibigyan today, nais ko lang pong magsabi ng pasensiya po, gustuhin ko man pong mag-abot, I don’t think papayagan po ako ulit na gawin ‘to.”
Plano ni Angel na ipahatid na lamang sa mga hindi mabibigyan ang mga matitirang goods upang mapakinabangan pa.
Sa huli, muling humingi ng paumanhin si Angel at aniya ay nais lamang niyang ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa at hindi upang makagulo.