ni Mary Gutierrez Almirañez | April 26, 2021
Pinaboran ng Philippine National Police (PNP) ang rekomendasyon na gawing bahay-bahay na lamang ang pamimigay ng mga donasyong pagkain katulad nu’ng nakasanayan, sa halip na lumabas papuntang community pantry, batay kay PNP Spokesman Brigadier General Ronaldo Olay.
Aniya, "Maganda rin ‘yung suggestion na ‘yan na ibahay-bahay na lang para hindi na maglabasan ang mga tao sa daan."
Sang-ayon din siya sa rekomendasyong mga kamag-anak na lamang ang pakukuhanin ng donasyon para hindi na ma-expose sa COVID-19 ang mga vulnerable na indibidwal, partikular na ang mga senior citizen, lalo pa’t nasa ilalim pa rin ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang NCR Plus.
Sabi pa niya, "Tama 'yan, nasa MECQ pa rin tayo at batay sa panuntunan ng IATF, ang mga 18 years old o mas bata, 65 years old o mas matanda, hindi muna lalabas sa tahanan."
Sa ngayon ay naglabas na ng guidelines ang Quezon City para sa mga nais mag-organisa ng community pantry na sinuportahan naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
Ayon kay Año, “It's the organizer's responsibility to impose the minimum health standards. That's the primary reason why they have to coordinate with the LGU’s (local government units) so that the latter can provide assistance.”
Kaugnay ito sa pinaiimbestigahan ng DILG sa PNP, hinggil sa pagkamatay ng isang senior citizen na pumila sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin.
“Since somebody died, the PNP has to conduct an investigation. We cannot ascertain yet who could be liable until the completion of the investigation,” sabi pa ni Año.