top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 15, 2021



Saludo si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga community pantry organizers sa bansa dahil sa kanilang magandang intensiyon, ngunit nilinaw niya na kailangang sundin ng mga ito ang ipinatutupad na COVID-19 health protocols ngayong panahon ng pandemya.


Matatandaang ilang community pantries na rin ang dinumog ng mga tao kung saan nalabag ang mga health protocols katulad ng social distancing.


Saad ni P-Duterte, "Wala namang question itong pantry scheme. As a matter of fact, I salute the people behind this and those who originated it. Nagkulang sila and maybe they are ignorant of the prohibition imposed by law not by me.


"Hindi siguro n’yo nabasa pero sa totohanan lang, if it is a matter of assessing whether or not you are doing good, you are doing super good. Saludo ako at maganda ang kunsensiya ninyo sa tao but please, read the restrictions first.”


Si Ana Patricia Non ang unang nagtayo ng Maginhawa Community Pantry na tinularan ng maraming Pinoy at ayon sa House Resolutioin, umabot na sa 6,000 ang community pantries sa iba’t ibang lugar sa bansa.


Samantala, una nang nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government sa mga organizers ng community pantry na iwasan ang pagkakaroon ng mahabang pila ng mga tao lalo na ang mass gathering.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 02, 2021




Nananawagan ang grupo ng mga frontliners sa lahat ng community pantry organizers na iprayoridad ang minimum health protocols na ipinatutupad ng Department of Health (DOH) laban sa banta ng COVID-19.


Ayon sa panayam kay Confederate Sentinels of God (CSG) Inc. Founder Alvin Constantino sa programa ng Lingkud Bayanihan ng PTV-4, “Isipin at pagplanuhan nating mabuti ang itatatag na community pantry projects upang tunay tayong makatulong sa mga less fortunate at nagdurusa nating mga kababayan. Huwag nating hayaan na kumalat ang COVID-19 sa ating komunidad na maaaring maging sanhi ng kamatayan ng ating mahihirap na kapitbahay.”


Sa ngayon ay nakikipagtulungan na rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Bayanihan Frontliners Movement lawyer-president na si Dr. Leo Olarte upang simulan ang pagbabahay-bahay ng relief goods sa National Capital Region (NCR).


Matatandaang ilang kritiko na rin ang nagrekomenda na gawing bahay-bahay ang pamimigay ng pagkain sa halip na mag-community pantry para maiwasan ang pagsisiksikan ng mga residente habang naghihintay makakuha ng suplay.


Dagdag pa ni Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Benito Atienza, “Patuloy po naming bubuhayin ang bayanihan spirit nating mga Pilipino sa tulong ng iba’t ibang samahan. Muli ay bubuksan namin ang PMA auditorium sa North Avenue, Quezon City upang tumanggap ng anumang donations in kind mula sa inyong mga puso.”


Aniya, sila ang magsisilbing daan upang makarating sa mga residente ang iba’t ibang donasyon at mga pagkain. Maaari ring makipag-ugnayan sa kanilang libreng konsultasyon tungkol sa COVID-19 at iba pang karamdaman sa pamamagitan ng 24/7 online telemedicine service na matatagpuan sa www.docph.org website.


Gayunman, patuloy pa rin ang kanilang pagsaludo sa bawat organizer ng community pantry.


“Sinasaluduhan ko po ang ating community pantry organizers. Your hearts are similarly attuned to the hearts of our patriotic Filipino heroes of the past,” sabi pa ni Constantino.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 27, 2021



Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa posibleng pagpapatigil sa mga community pantries kapag nalabag ang mga ipinatutupad na health protocols sa bansa.


Pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año, “Kung maba-violate [ang health protocols], ito ay ground para ma-stop natin ang community pantry, kasi ito’y puwedeng maging sanhi ng [COVID-19] surge."


Paalala rin ni Año sa mga organizers ng community pantries, makipag-ugnayan sa barangay na nakasasakop sa kanilang proyekto upang malimitahan ang risks ng pagkalat ng Coronavirus.


Saad pa ni Año, "Maglalabas kami ng advisory at memo sa mga [local government units] kung paano iha-handle nang mabuti ang mga community pantries na naging inisyatibo ng mga private sector at private individuals.”


Ayon kay Año, malaki ang papel ng pakikipag-ugnayan ng mga organizers ng community pantry sa mga LGUs dahil masisiguro ang seguridad at kaayusan kapag dumagsa ang mga tao.


Saad pa ni Año, “Sa coordination na ‘yan, ang LGU ay magiging malaki ang papel niyan. Kasi unang-una, siya rin ang puwedeng mag-determine kung saan ‘yung venue na gaganapin ‘yung distribution.


“At pagbibigay din ng security, peace at order kasi kapag dumagsa na ang mga beneficiaries, I don’t think kaya ng organizer na i-maintain ‘yung crowd.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page