ni Lolet Abania | February 16, 2022
Inanunsiyo ng Commission on Human Rights (CHR) ngayong Miyerkules ang pagtatalaga kay Commissioner Leah Tanodra-Armamento bilang bagong chairperson ng komisyon.
Papalitan ni Tanodra-Armanento si yumaong CHR chair Jose Luis Martin “Chito” Gascon, na nasawi dahil sa kumplikasyon dulot ng COVID-19 noong nakaraang taon.
Hindi na bago para kay Tanodra-Armanento ang CHR dahil siya ay commissioner sa ilalim ng kasalukuyan at Fifth Commission en banc.
Una nang nagsilbi ang bagong CHR chair nang limang taon sa Office of the Solicitor General (OSG) bilang isang associate solicitor, kung saan inasistehan niya ang mga solicitors sa mga habeas corpus cases nito.
Inilipat naman siya sa Department of Justice (DOJ) at mula sa pagiging State Prosecutor nagawa niyang umangat at maging Senior State Prosecutor mula 1991 hanggang 2003.
Noong 2003, si Tanodra-Armamento ay in-appoint bilang DOJ Assistant Chief State Prosecutor, kung saan pinamunuan niya ang legal panel ng Philippine government (GPH) sa panahon ng Review of the Final Peace Agreement’s Implementation sa pagitan ng GPH at ng Moro National Liberation Front (MILF).
Itinalaga rin siya bilang DOJ Undersecretary. Nagtapos si Tanodra-Armamento ng Bachelor of Laws degree mula sa Ateneo de Manila University School of Law.
Siya rin ay isang fellow ng Harvard University’s John F. Kennedy School of Government noong 2007. Ayon sa CHR, ang mga appointments ng mga kasalukuyang Commission en banc, gaya nina Commissioners Karen Gomez-Dumpit, Gwendolyn Pimentel-Gana, at Roberto Eugenio Cadiz, ay mag-e-expire naman sa Mayo 5, 2022.