ni Lolet Abania | November 5, 2021
Ipinahayag ni Commission on Higher Education (CHED) chairperson Prospero de Vera III ngayong Biyernes na ang mga unibersidad at kolehiyo ay maaari ng payagang magsagawa ng limited face-to-face classes sa lahat ng degree programs subalit magtatakda sila ng mga kondisyon.
Sa isang vaccination event sa Palawan, sinabi ni De Vera na tinalakay na ito ng komisyon at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) nito lamang linggo. “It is already Category [Alert Level] 2, we will allow now limited face-to-face up to 50% capacity in all degree programs in these areas,” sabi ni De Vera.
Ayon kay De Vera, kabilang sa mga kondisyon na kanilang ipapatupad, dapat na ang mga eskuwelahan ay may mataas na vaccination rate ng mga estudyante at ng kanilang faculty at kinakailangan ding mayroong retrofitted facilities na ininspeksiyon ng mga awtoridad.
Sinabi rin ni De Vera na ang pagpapatupad ng limited face-to-face classes ay kailangang may consent mula sa sakop na local government units (LGUs). Aniya, posible itong mangyari sa Metro Manila dahil sa ang vaccination rate sa naturang rehiyon ay mataas na.
Samantala, inanunsiyo ng Malacañang nitong Huwebes ng gabi na ang IATF, ang policy-making body ng gobyerno na nakatuon sa COVID-19 pandemic ay inaprubahan na ang pagbaba sa Alert Level 2 ng Metro Manila simula ngayong Biyernes, Nobyembre 5, 2021.