ni Lolet Abania | May 31, 2022
Mahigit sa dalawang milyong estudyanteng Pilipino ang nabenepisyuhan mula sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na nilagdaan at naisabatas sa ilalim ng administrasyong Duterte, ayon sa Commission on Higher Education (CHED) ngayong Martes.
Ginawa ni CHED Chairman Prospero de Vera III ang anunsiyo sa Day 2 ng Duterte Legacy Summit, na nagpapahayag ng mga naging tagumpay o accomplishment ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa nasabing bilang, ayon kay De Vera s, 1.97 milyong estudyante mula sa 220 state at local universities at mga kolehiyo ang naka-avail ng libreng tuition at miscellaneous fees.
Gayundin, 364,168 estudyante ang nabenepisyuhan mula naman sa Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong Program, na nai-provide din sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education law.
Binanggit naman ni De Vera na ang mga rehiyon na may pinakamataas na poverty incidence ang may pinakamaraming bilang ng mga benepisyaryo para sa Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong Program.
Ang Bangsamoro region, na may pinakamataas na poverty incidence para sa first semester ng 2021 na nasa 39.4%, ay umabot sa 17,021 benepisyaryo para sa Tertiary Education Subsidy at Tulong Dunong Program sa parehong panahon.
Sa Region 13 o Caraga, na may poverty incidence na 31%, nabigyan ang 21,172 benepisyaryo. Sa Region 9 o Zamboanga Peninsula nasa 30.9%, sa Region 8 o Eastern Visayas nasa 28.9%, sa Region 12 o Soccsckargen nasa 27.1%, at sa Region 7 o Central Visayas nasa 26.8%, na kung ira-round up ang top six regions ang may pinakamarami ring benepisyaryo.
Sa Region 12 umabot sa 43,360 benepisyaryo habang sa Region 7 ay mayroong 25,995 beneficiaries. Sa Region 8, may 21,389 beneficiaries at sa Region 9 ay nasa 18,295 benepisyaryo. “There is a direct correlation between poverty incidence and the number of grantees. This shows that clearly, this is an anti-poverty program,” sabi pa ni De Vera.