ni Lolet Abania | January 13, 2022
Nasa kabuuang 126 universities ang nagpatupad na ng academic break simula ngayong Enero sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).
Sa Laging Handa public briefing ngayong Huwebes, sinabi ni CHED chairperson Prospero De Vera III na ilang unibersidad ang nagdeklara na ng kanilang academic break bago pa man itinaas sa Alert Level 3 ang mga lugar sa bansa.
“Sa aking panayam sa mga pamantasan, 126 na mga universities ang nag-declare na ng academic break start of January pa lang,” sabi ni De Vera.
Ayon kay De Vera, karamihan sa mga unibersidad na nagpatupad ng kani-kanilang academic breaks ay sa National Capital Region, at Calabarzon.
Aniya pa, 123 universities pa ang nakatakdang magdeklara ng academic break sa pagtatapos naman ng Enero.
Sa gitna ng panawagan para sa nationwide academic break, sinabi ni De Vera na hindi na ito kailangang gawin dahil ang mga unibersidad mismo ang may deskrisyon para sa pansamantalang pagtigil ng kanilang school activities.
Samantala, para naman sa basic education level, pinayagan na ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules, ang mga regional at schools division offices na suspindihin ang mga klase ngayong Enero sa gitna pa rin ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.