ni Lolet Abania | March 19, 2022
Handang-handa na ang PiliPinas Debates 2022 para sa mga presidential candidates ngayong Sabado, Marso 19, sa Pasay City, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Asahang mahigit sa 30 pulis at mga traffic personnel ang naka-deploy para i-secure ang venue na gaganapin sa Sofitel Hotel Tent at i-monitor ang lagay ng trapiko sa lugar.
Limitado naman ang bilang ng mga indibidwal na maaaring makapasok sa venue, at 5 staff members lamang bawat presidential aspirant ang papayagan sa loob at magsisilbi silang audience.
Mayroong 10 lecterns onstage na katumbas sa bilang ng mga kandidatong tumatakbo sa pinakamataas na elective post sa bansa.
Ang mga kandidato ay magdo-draw ng lots upang madetermina ang unang speaker, habang ang susunod na mga speakers ay ia-arranged alphabetically. Hindi papayagan ang mga notes onstage o sa entablado.
Alas-2:00 ng hapon, kanina ay nagsagawa ang Comelec ng isang media walkthrough sa venue. Lahat ng presidential bets ay nagkumpirma ng kanilang attendance, maliban kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kabilang sa nagkumpirmang magpa-participate ay sina Ernesto Abella, Leody de Guzman, Isko Moreno Domagoso, Norberto Gonzales, Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, Faisal Mangondato, Jose Montemayor Jr., at Leni Robredo.
Ang PiliPinas Debates 2022 ay ipapalabas sa lahat ng local channels at magiging streamed simultaneously sa social media platforms ng Comelec na Facebook, Twitter, at YouTube.