ni Lolet Abania | March 24, 2022
Nasa 87.2 porsiyento na ng mga balota na gagamitin para sa 2022 elections ang nai-print na, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
“As of today, we are able to print already 58,838,453 of the 67,442,616 ballots that we will be using in the 2022 national and local elections,” sabi ni Comelec Commissioner George Garcia sa isang press conference ngayong Huwebes.
“The 58 million something represents 87.2% of the total number of ballots that we are supposed to print,” dagdag ng opisyal. Sinabi ni Garcia na sa mahigit 58 milyong balota, nasa 39,433,714 ang nakapasa sa pinakamataas na quality control at beripikasyon na isinagawa.
Ang bilang naman ng mga depektibong balota ay nasa 105,853 na nagre-represent ng 0.18% ng kabuuang balota, kung saan mas mababa ito kumpara sa 0.19% na nai-record noong Marso 21.
Ayon kay Garcia, ang vote counting machines naman ay nasa 61.7% na handa na para i-dispatch, ang external batteries na nasa 91.09%, transmission devices na nasa 100%, at ang consolidation and canvassing systems ay nasa 55.54% na.
Binuksan naman ng Comelec ang mga pintuan ng National Printing Office (NPO) para maipakita ang proseso ng ballot printing sa iba’t ibang kasapi sa eleksyon.