ni Lolet Abania | April 5, 2022
Nakatanggap ang Commission on Elections (Comelec) ng dalawang complaints ng vote buying matapos ang nabuo nilang task force na layong mapigilan ang anumang election offense.
Ayon kay Comelec Commissioner George Erwin Garcia, ang isa sa mga reklamo ay inihain ng grupong Kowalisyong Novaleno Kontra Korapsyon laban kay Rose Nono Lin, na tatakbo para sa congressional seat sa Quezon City.
Naimbestigahan din si Lin sa Senado kaugnay sa umano’y maling paggamit o misuse ng pandemic response funds ng gobyerno.
“I was informed about the filing. One of the first cases after the activation of the the task force,” saad ni Garcia, na hindi naman binanggit ang detalye ng isa pang reklamo.
Ayon sa Comelec official, ang mga naturang complaints ay magsisilbing babala para sa magsasagawa ng vote buying.
“These initial cases are the beginning of everything, a warning to one and all that we have an awakened citizenry with the highest sense of maturity,” giit ni Garcia.
“However, presumption of innocence should never be compromised as mandated by the Constitution,” dagdag niya.
Binigyan-diin naman ni Garcia ang kahalagahan ng pagsusumite ng mga ebidensiya, partikular na ang mga larawan at video.
“We will immediately issue the subpoena to immediately proceed with the preliminary investigation. We will afford due process to all. And we will not allow our judgment be swayed by publicity or popularism. Ours will be guided only by the evidence presented
and the law applicable based on the given facts,” sabi ni Garcia.
Una nang bumuo ang Comelec ng inter-agency task force na pinamumunuan ni Commissioner Aimee Ferolino, kung saan sila ang mag-iimbestiga at magpo-prosecute sa mga kaso ng vote buying at pagbebenta nito.
Batay sa Section 261 ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang vote buying at vote selling, kung saan ang mga offenders o nagkasala ay mahaharap sa posibleng pagkakakulong, at aalisan ng karapatan na tumakbo sa public office at bumoto.