ni Lolet Abania | May 15, 2022
Nasa humigit-kumulang P20 million ang ilalaan ng Commission on Elections (Comelec) para sa karagdagang honoraria, kapag inaprubahan na ng Comelec en banc, na ibibigay sa mga guro na nag-overtime sa panahon ng May 9 elections.
“More or less, kulang-kulang P20 million po ang amount na pinag-uusapan natin dito. Meron naman po kami na kahit papa’no ay natitipid-tipid pa. So ‘yung natitipid natin ngayon, ‘ayun na lang ‘yung ipambigay natin,” ani Comelec Commissioner George Garcia sa isang radio interview ngayong Linggo.
Una nang nagsumite si Garcia ng rekomendasyon sa Comelec en banc para i-grant ang additional honoraria sa mga guro at support staff na nakatalaga sa mga polling precincts na nag-OT, kung saan ang mga vote counting machines (VCMs) at SD cards ay nag-malfunctioned. Aniya, lahat ng miyembro ng en banc ay pabor sa nasabing proposal.
Tinanong naman si Garcia kung ang desisyon hinggil sa honoraria ay malalaman ngayong araw, ayon kay Garcia, “Opo dahil, dahil meron kaming tinatawag na continuing session. Kahit hindi kami nagme-meeting, nagpapaikot na kami ng mga resolusyon.
Kahapon, nakita ko na ang aking proposal sa part ng continuing session.” Una nang binanggit ni Election Task Force (ETF) head Atty. Marcelo Bragado Jr. na tinatayang nasa 640,000 personnel ng Department of Education (DepEd) ang nagsilbi bilang poll workers sa 2022 elections.