ni Lolet Abania | May 29, 2022
Ipinaalala ng Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato ng katatapos na 2022 national at local elections na ang deadline para sa paghahain ng kanilang statement of contribution and expenditures (SOCE) ay hanggang Hunyo 8 na lamang.
Sa isang radio interview ngayong Linggo, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na hindi na tatanggapin ng poll body ang mga statements ng mga gastos sa kampanya na lumagpas sa ibinigay na deadline.
“Pinapaalala natin, whether nag-withdraw o natuloy, whether natalo o nanalo, sila po lahat ay magpa-file ng kanilang SOCE,” giit ni Garcia. “Hindi po kami mag-e-extend beyond June 8,” dagdag ng opisyal. Ayon kay Garcia, ang mga kandidato na hindi magsa-submit ng kanilang SOCE ay mahaharap sa mga kaso at pagmumultahin.
Para naman sa mga bigong maghain sa ikalawang pagkakataon ay maaaring mapatawan ng perpetual disqualification na humawak ng posisyon o public office. Sinabi ni Garcia na tinatayang nasa 500 kandidato noong nakaraang eleksyon ang nahaharap sa posibleng perpetual disqualification para humawak ng posisyon.
Gayundin aniya, ang isang kandidato na nanalo sa eleksyon ay maaaring matanggal sa public office dahil sa paglabag nito sa SOCE regulations.
Ang mga campaign donations ay dapat na i-report sa mga SOCEs na ani Garcia, maaari nilang i-cross-check ang mga impormasyon sa mga donors. Ayon pa kay Garcia, “Failure to declare campaign donations constitutes a violation of SOCE rules and candidates can also be charged of perjury.”