ni Lolet Abania | August 10, 2021
Patay ang isang empleyado ng Maguindanao Provincial Election Office ng Commission on Elections (Comelec) matapos na pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin habang naglalaro ng chess sa Cotabato City nu'ng Martes nang umaga.
Kinilala ni City Police Precinct 2 commander Captain Rustum Pastolero ang biktimang si Jonathan Pagadas Ganta, 43, casual employee at residente ng Purok Balabaran, Rosary Heights 10, kung saan nangyari ang krimen.
Ayon sa mga awtoridad, naganap ang insidente bandang alas-8:30 nang umaga habang ang biktima ay naglalaro ng chess kasama ang mga kaibigan sa kanyang bahay. Isang hindi nakikilalang armadong suspek ang biglang pinagbabaril ang biktima gamit ang M-16 automatic rifle na agad nitong ikinamatay.
Gayundin, isang “padyak” driver na nakilalang si Guiamad Utto Akmad ang isinugod sa ospital matapos na tamaan ng ligaw na bala.
Base sa inisyal na imbestigasyon, ayon kay Pastolero, posibleng si Ganta lamang ang target ng suspek na maaari umanong may kaugnayan sa kanyang trabaho.
“Based on the revelations from the close relatives, it could possibly be [due to] a work-related motive,” sabi ni Pastolero.
Nakatakdang ilibing ang biktima sa Martes batay sa burial tradition ng mga Muslim sa Guindulungan, Maguindanao. Dadaluhan naman ang libing ni Ganta ng kanyang mga co-employees mula sa Comelec.