ni Lolet Abania | December 14, 2021
Asahan na ang pinal na listahan ng mga kandidato para sa 2022 elections ay ilalabas bago matapos ngayong buwan, ayon sa Commission on Elections (Comelec) ngayong Martes.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang mga unresolved nuisance cases ang rason para sa bagong timeline.
Una nang inanunsiyo ni Jimenez na ang final list ng mga kandidato ay kanilang ilalabas sa Disyembre 15.
“The list of official candidates will not be released tomorrow as there are still a number of unresolved nuisance cases,” ani Jimenez.
“We expect that the process of finalizing the list of candidates will take at least two more weeks,” dagdag niya. Ngayong Martes, natapos na rin ng Comelec ang raffle hinggil sa order ng 166 party-list groups sa mga ballot.
Samantala, ngayon ding Martes umatras na sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher "Bong" Go sa kanilang kandidatura sa pagka-senador at pagka-presidente para sa 2022 elections.
Gayunman, hindi sinagot ni Jimenez ang kuwestiyon kung ang withdrawal nina Pangulong Duterte at Go ay nakapekto sa timeline ng paglalabas ng final list ng mga kandidato ng Comelec.