ni Lolet Abania | February 7, 2022
Magsisimula na bukas, Pebrero 8, 2022 ang opisyal na campaign period na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) para sa lahat ng kandidato sa national at local elections 2022, kung saan karamihan sa kanila ay piniling gawin ang proclamation rallies sa kanilang kinagisnang bayan.
Ayon sa Comelec, malaki ang pagkakaiba ng kampanya ngayong taon kumpara sa nakagawian ng mga Pilipino dahil na rin sa pandemya ng COVID-19. Ang mga rules o panuntunan para sa 2022 campaigns ay nakasaad sa Comelec Resolution No. 10730.
Ipagbabawal ang pangangampanya sa Abril 14 at 15 (Maundy Thursday at Good Friday), gayundin sa bisperas ng araw ng eleksyon at sa araw mismo ng halalan, Mayo 8 at 9.
Narito ang mga nakaiskedyul na proclamation rallies ng anim na presidential at vice presidential tandems bukas, Pebrero 8:
• VP Leni Robredo-Sen. Kiko Pangilinan -- Gaganapin sa Magsaysay Avenue, Naga City ng alas-5:30 ng hapon habang maglilibot muna sa Camarines Sur.
• Sen. Panfilo Lacson-Sen. Vicente Sotto III – Gaganapin sa Imus Grandstand, Cavite ng alas-5:00 ng hapon
• Sen. Manny Pacquiao-Lito Atienza – Gaganapin sa General Santos City ng alas-3:00 ng hapon
• Ferdinand Marcos Jr.- Mayor Sara Duterte – Gaganapin sa Philippine Arena, Ciudad de Victoria, Santa Maria, Bulacan ng alas-4:00 ng hapon.
• Mayor Isko Moreno Domagoso-Willie Ong – Gaganapin sa Kartilya ng Katipunan o Bonifacio Shrine, Manila ng alas-4:30 ng hapon.
• Leody de Guzman-Walden Bello – Gaganapin sa Bantayog ng mga Bayani, Quezon City ng alas-6:00 ng gabi hanggang alas-9:00 ng gabi.
Samantala, isasagawa naman ng presidential aspirant na si Dr. Jose Montemayor Jr. ang kanyang kampanya sa Pasay City.
Habang si presidential bet Ernesto Abella ay sa Dasmariñas City, Cavite naman gagawin sa Miyerkules, Pebrero 9.