ni Madel Moratillo @News | September 25, 2023
May 66 kandidato sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang nanganganib madiskwalipika dahil sa premature campaigning.
Ayon kay Commission on Elections Chairman George Garcia, inaasahang madadagdagan pa ang bilang na ito dahil patuloy pa ang kanilang pagbibigay ng show cause order sa mga pasaway na kandidato.
Ayon kay Garcia, ang ilan sa mga kandidato na ito ay nag-host ng raffle draws, ang iba naman ay dahil sa paglalagay ng campaign materials na nakalagay ang pangalan at posisyong tinatakbuhan.
May iba na ginagamit naman ang social media sa pangangampanya.
Paalala ni Garcia, ang campaign period ay sa October 19 hanggang 28 pa.
Nasa 1,955 show cause orders na aniya ang kanilang naisilbi kaugnay ng nalalapit na BSKE. Sa bilang na ito, 228 kandidato palang ang nagbigay ng paliwanag.
May 104 reklamo naman ang na-drop dahil sa kawalan ng basehan. Inaasahang pormal na maisasampa ng Comelec ang disqualification cases sa darating na linggo.
Pagkatapos ay ira-raffle ito sa mga dibisyon ng Comelec para sa pagdinig at target mailabas ang desisyon bago ang October 30 BSKE.