ni Madel Moratillo @News | August 29, 2023
Pinaalalahanan ni Commission on Election (Comelec) Chairman George Garcia ang mga maghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections na hindi pa maaaring mangampanya.
“Basta lahat po ng mag-file ng certificate of candidacy simula bukas hanggang September 2, kayo po ay considered nang kandidato. Bawal ang premature campaigning. Lahat ng mga materials na mayroon kayo, kailangang tanggalin. Bawal maglagay ng kahit anong materials, kahit walang nakalagay na 'vote for'. Kinakailangan na nasa social media post, kailangan tanggalin lahat,” ani Garcia sa isang panayam.
Dagdag pa ni Garcia, lahat ng magsusumite ng COC ay maaari nang masampahan ng reklamong premature campaigning at disqualification.
“Kaya po kayo ay kandidato na, puwede po kayong ma-file-an ng kasong kriminal na premature campaigning at disqualification kung kayo ay mangangampanya na pagkatapos mag-file ng certificate of candidacy,” ani Garcia.
Nagsimula nang tumanggap ng COC ang Comelec kahapon, Agosto 28 na tatagal hanggang Setyembre 2.
Magsisimula naman ang campaign period sa Oktubre 19 hanggang 28.