ni Jasmin Joy Evangelista | October 1, 2021
Ngayong araw na nakatakdang magsimula ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa mga nagnanais tumakbo sa susunod na halalan.
May ilang pagbabago sa proseso ng filing ngayong taon kung saan imbes na sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila, sa isang tent sa hotel sa Pasay City tatanggapin at ipoproseso ng komisyon ang mga COC ng mga tatakbo para sa national positions.
"It is not possible anymore to hold it there (Intramuros)... very limited space, very limited holding areas," sabi ni Helen Aguila-Flores, Comelec deputy executive director for administration.
Ang filing of COC ay tatagal hanggang October 8, kasabay din sa paghahain ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).
Bilang lang ang mga papayagang pumasok sa venue, mapa-kandidato, tauhan ng Comelec, o miyembro ng media.
Kailangan din munang magnegatibo sa COVID-19 swab test ang mga pupunta sa venue. May libreng on-site antigen test din sa mga kandidatong ayaw gumastos.
Sakaling magpositibo sa test on-site o makitaan ng sintomas ng COVID-19, dadalhin sa isolation area ang nagpositibo at dadaan sa regular na protocol ng Inter-Agency Task Force.
Hanggang 2 katao lamang ang puwedeng isama ng mga kakandidato sa lokal na posisyon at pagka-senador habang 3 naman sa mga tatakbong pangulo at bise presidente, at 1 sa mga party list.