ni Jasmin Joy Evangelista | October 16, 2021
Kabi-kabila na ang diskarte ng kampo at tagasuporta ng mga kandidato para sa 2022 elections.
Kaugnay nito, patuloy na nagpaalala ang Comelec hinggil sa mga ipinagbabawal para sa mga aspirants.
Ayon sa Batas Pambansa 881 o Omnibus Election Code, bawal magbigay ng kontribusyon ang mga sumusunod:
* Public at private financial institutions
* Namamahala ng public utilities o may proyekto kaugnay sa likas na yaman
* May kontrata o nakatanggap ng insentibo mula sa gobyerno
* May higit 100,000 loan mula sa gobyerno
* Educational institutions na may P100,000 o higit pa na public loan
* Public officials, empleyado sa civil service, sandatahang lakas
* Foreigner, at foreign government at corporations
*
Sa loob naman ng election period mula Enero 9 hanggang Hunyo 8, 2022, bawal ding mangalap ng pondo para sa mga kandidato sa pamamagitan ng pasayaw, lottery, sabong, palaro, boksing, bingo, beauty contest, at iba pang entertainment performances.
Maaari raw madiskuwalipika ang sino mang kandidato na tatanggap ng bawal na kontribusyon sa araw ng halalan at araw bago ang botohan gaya ng transportasyon, pagkain, inumin, at ano mang may halagang bagay.
Maaari ring ma-disqualify ang sinumang kandidato, asawa, kamag-anak sa ikalawang civil degree, campaign manager, o kinatawan na magbibigay ng donasyon para sa mga proyekto tulad ng road construction at repair, tulay, school bus, clinic at ospital, at simbahan sa loob ng campaign period, isang araw bago ang botohan, at sa araw ng halalan - liban na lang kung tradisyon sa relihiyon at pagbabayad sa naka-schedule na bayarin ng mga scholar.
Ayon naman sa Commission on Elections (Comelec) at election watchdog Lente, lahat ng patakaran kaugnay sa mga kandidato ay may bisa lang kapag opisyal nang nagsimula ang campaign period na Pebrero 8 hanggang Mayo 7 para sa national candidates at Marso 25 hanggang Mayo 7 para sa local bets.
Samantala, dapat ihayag ang mga kontribusyon sa Statement of Election Contributions and Expenditures o SOCE ng mga magwawagi at talunang kandidato.