ni Jasmin Joy Evangelista | October 24, 2021
Mayroong paalala ang Comelec hinggil sa posibleng vote buying sa darating na eleksiyon.
Babala ng Comelec sa ilalim ng Batas Pambansa 881 o Omnibus Election Code, hindi lang ang pulitiko o kinatawan niya na bumibili ng boto ang makakasuhan at mapaparusahan kundi damay pati ang botante, grupo, korporasyon o komunidad na tumanggap nito.
Posible silang makulong nang hindi bababa sa isang taon o hindi lalampas nang anim na taon.
“It’s the vote-buyer and the vote-seller. That’s an election violation kasi, eh, so the penalty is imprisonment up to 6 years and disqualification from holding office,” ani Comelec director James Jimenez.
Hindi lamang aktuwal na pamimigay ng pera ang saklaw ng vote buying. Batay sa Omnibus election code, kasama ang pangako ng pera, anumang bagay na may halaga, pangakong trabaho, prangkisa, o anumang pabor, pribado man o pampubliko.
Saklaw din ng vote buying kung ang kapalit ay hindi pagboto sa halalan at hindi pagboto sa sinumang kandidato. Vote buying din kung kapalit ito ng boto sa isang political convention sa loob ng sariling partido.
Naisip na rin umano ng Comelec na posibleng magamit ng ibang politiko ang makabagong teknnolohiya at iba’t ibang mobile at digital platforms para makabili ng boto.
Nakikipagtulungan na ang Comelec sa mobile at service providers tungkol dito.
Tutulong din ang election watchdog sa pag-monitor ng mga insidente ng vote buying and selling.
Mensahe nila sa mga botante, ‘wag magpapaloko sa mga magtatangkang bilhin ang inyong boto.
Kahit tapos na ang halalan, maaari pa ring makasuhan ang mahuhuling bumili ng boto at nagbenta ng boto ng hanggang limang taon matapos ang insidente.