ni Lolet Abania | October 29, 2021
Naglabas na ang Commission on Elections (Comelec) ngayong Biyernes ng tentative na listahan ng mga kandidato para sa 2022 national at local elections.
Batay sa Comelec, mayroong 97 mga pangalan ng tentative o pansamantalang listahan ng mga presidential aspirants/candidates na karamihan sa kanila ay tatakbo bilang independent.
Gayundin, nakapagtala ang poll body ng 28 vice presidential at 174 senatorial aspirants. [Click here for list]
Ang Comelec ay naglabas din ng tentative na listahan ng mga tatakbo naman para sa local positions. [Click here for list]
Sa ilalim ng calendar ng Comelec para sa 2022 national at local elections, ngayong Biyernes, Oktubre 29, ang pagsisimula ng posting ng pansamantalang listahan ng mga kandidato.
Ayon sa poll body, inilabas ang tentative lists para payagan ang mga aspirants na ma-check ang kanilang mga pangalan na lalabas sa official ballot.
Ang huling araw ng paghahain ng request o koreksyon ng pangalan na dapat lumabas sa ballot ay sa Nobyembre 8, 2021.
“Aspirants whose names appear on the tentative list of candidates released by the COMELEC have until November 8 to submit their requests for correction of typographical errors in their listed names,” post ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa Twitter.
Una nang sinabi ni Jimenez na ang Comelec ay nakatakdang i-publish ang pinal na listahan ng mga kandidato sa Disyembre.
Sinabi rin ni Jimenez na inaasahan ng poll body na matatanggal na ang mga nuisance candidates mula sa kasalukuyang listahan.