ni Lolet Abania | November 10, 2021
Inianunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Miyerkules na ang oras ng pagboto para sa Mayo 9, 2022 national at local elections ay mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi o pinahaba ng isang oras kumpara sa itinagal nito noong 2019 midterm polls.
Sa ginanap na pagdinig sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ngayong Miyerkules, sinabi ni Comelec commissioner Marlon Casquejo sa mga mambabatas na inaprubahan na ng en banc ang resolusyon hinggil sa itatakdang voting hours.
“Just this morning the en banc already approved general instructions for the Electoral Board... Voting hours start 6 in the morning and end at 7 [p.m.],” ani Casquejo.
Ang mga botante na ayon sa opisyal, “within 30 meters” sa labas ng mga polling precincts na umabot sa closing time ay kanila pa ring pagbibigyang makaboto.
“However, at 7 there’s still voters outside the polling place in front, 30 meters, we will still continue w/ the voting... We do not expect it will end at 7 but we will continue until such time... [that voters within] 30 meters in front will be catered,” sabi pa ni Casquejo.
Kung ikukumpara, ang naging voting hours sa panahon ng eleksyon bago pa ang pandemya ng COVID-19, 2019 midterm polls -- 6AM-6PM; 2016 national at local polls – 6AM-5PM.
Matatandaang sinabi na rin ng mga Comelec officials na “tiyak” na extended ang voting hours sa Mayo 9, 2022, kung saan hindi nila sinang-ayunan ang panukalang magkaroon ng isang multi-day election sa gitna ng COVID-19 pandemic.