ni Madel Moratillo | April 23, 2023
Puwede nang tanggihan ng mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) ang nais kumandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Nabatid na maglalabas ang Comelec ng patakaran hinggil sa paghahain ng certificate of candidacy (COC).
Ang paghahain ng kandidatura ay una nang itinakda sa Agosto 28 hanggang Setyembre 2.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang mga hindi lang naman tatanggapin ay mga hindi kwalipikadong aspirante.
Paliwanag ni Garcia, sa mga nakaraang halalan ay tinatanggap nila lahat ng mga COC nang hindi na tinitingnan kung kwalipikado ang mga nais kumandidato o hindi.
Ilan sa mga titingnan ay ang edad ng mga kandidato, nationality, residency, at iba pa.
Inihalimbawa ni Garcia noong 2018 BSKE kung saan umabot sa 6 na libo ang mga kaso para sa kanselasyon ng hindi kwalipikadong kandidato.
Napakahaba rin aniya ang proseso dahil sa kinakailangan itong pagdesisyunan pa ng Division office ng Comelec.