ni Madel Moratillo @News | August 21, 2023
Target ng Commission on Elections (Comelec) na makapagsagawa na rin ng mall voting sa 2025.
Samantala, para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre, sampung lugar ang susubukan ng Comelec para magsagawa ng mall voting.
Gagawin ito sa Metro Manila at tig-isa naman sa Cebu at Legazpi City.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, magsisilbing pilot testing ang mga ito para sa target na mall voting sa 2025.
Ani Garcia, nasa 400 hanggang 500 ang mall sa bansa. Kung magiging matagumpay ito, puwede nang hindi gamitin ang mga eskwelahan bilang polling center at hindi na aniya maiistorbo ang pag-aaral ng mga bata.
Wala naman aniyang dagdag na gastos dito ang Comelec dahil libre itong ipinagkakaloob ng mall owners o operators.
Nitong Sabado, una nang nagkaroon ng mall voting simulation ang poll body sa 4 na lugar bilang paghahanda sa BSKE.
Nanawagan naman sa Comelec si Helen Graido, policy consultant ng election watchdog na Lente, na mailipat sana sa ground floor ng mga mall ang botohan para mas maging accessible sa mga senior citizen, persons with disability, at buntis.