ni Lolet Abania | June 11, 2021
Nasa 1.6 milyong Pilipino abroad ang dapat na magparehistro para sa 2022 national at local elections, ayon sa Commission on Elections ngayong Biyernes.
Sa ginanap na ikalawang media conference na nakatuon sa overseas voting, ayon kay Atty. Philip Luis Marin ng Comelec Office for Overseas Voting (OFOV), may kabuuan o nasa 1,423,941 kuwalipikadong mag-register na overseas voters nitong May 19, 2021.
Hindi kabilang dito ang mayroong multiple registration sa system ng Comelec.
“The target upon consultation with the Department of Foreign Affairs to register is about 1.6 million or more if possible,” ani Marin.
Gayunman, sinabi ni Marin na inaasahan ng Comelec na mahigit sa 580,000 voters ang makakaboto mula sa mga Pilipino abroad sa nalalapit na eleksiyon.
“Ang estimated number of voter turnout na tinitingnan namin will be about 580,212. Ang estimation na puwede pang ma-register sa overseas voting is around 1,657,715,” saad ni Marin.
Umaasa rin si Marin na maraming overseas voters ang makakapagsulat sa kanilang mga balota sa darating na halalan.
Sa kanyang presentasyon, ipinakita ni Marin na ang bilang ng mga overseas voters na nakarehistro ay tumaas simula noong 2004. Noong 2019, mayroong 1,822 milyong voters abroad na nakapagparehistro, habang noong 2016, nasa 1,376 milyon ang nakarehistrong Pilipino.
Gayunman, ang voter turnouts ay tumaas sa panahon ng presidential elections. Ipinakita rin ni Marin na nasa 31% mula sa kabuuang nakarehistrong voters abroad ang bumoto sa 2016 elections, habang 18.46% lamang ang total registered voters sa ibang bansa na nakilahok sa 2019 midterm elections. Ang registration period para sa overseas voting ay mula December 16, 2019 hanggang September 30, 2021.