ni Lolet Abania | May 12, 2022
Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Huwebes sa mga guro na nagtrabaho nang overtime sa katatapos na national at local elections na mabibigyan sila ng “additional honoraria”.
Sa press briefing, sinabi ni Comelec acting spokesperson Rex Laudiangco na hindi ito ang unang pagkakataon na ang mga guro at electoral boards ay mabibigyan ng karagdagang honoraria, dahil aniya, ginawa na ito noong nakaraang 2019 elections.
“Sa ating mga bayaning guro at mga electoral boards, huwag kayong mag-alala. Hindi po ito first time na nagbigay ang Comelec ng additional honoraria, it’s not necessarily overtime pay but additional honoraria,” ani Laudiangco.
“Ginawa na po natin ito noong 2019 para doon sa mga electoral boards na talaga pong nagsilbi ng higit sa oras para matapos. Sa atin pong electoral boards, huwag po kayo mag-alala, ipoproseso po ito ng Comelec gaya din noong ginawa natin noong 2019,” saad ng opisyal.
Ayon kay Laudiangco, maibibigay ito sa loob ng 15 araw mula sa araw ng eleksyon batay sa Electoral Service Reform Act.
“Pero makakaasa po ang ating electoral boards, ayon po kasi sa Electoral Service Reform Act dapat ang honoraria maibigay namin within 15 days from the day of elections,” ani Laudiangco.
“Sisiguraduhin ng Comelec na mabibigay ito sa kanila within the timeframe allowed by law. Absolute po ‘yan. Wala pong excuses at gagawin po namin ‘yan,” dagdag niya.
Nasa mahigit 640,000 personnel ng Department of Education (DepEd) ang nagsilbi bilang poll workers noong May 9 elections.
Ayon kay Election Task Force (ETF) chief Atty. Marcelo Bragado, Jr., nasa tinatayang 647,812 DepEd personnel ang nagsilbing poll workers, kung saan 319,317 bilang miyembro ng Electoral Boards (EB), at 200,627 bilang EB support staff.
Sinabi pa ni Bragado na nasa 38,989 ang DepEd Supervisor Official (DESO), habang 87,162 ang DESO support staff, at 1,717 ang DepEd members ng Board of Canvassers.