top of page
Search

ni Lolet Abania | July 3, 2022



Handa na Commission on Elections (Comelec) na ipagpatuloy ang voter registration na magsisimula sa Lunes, Hulyo 4.


“Ang pagpapatuloy ng voters registration ay magsisimula bukas, July 4, 2022 hanggang July 23, 2022... Lunes-Sabado, mula 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m.,” pahayag ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa isang radio interview ngayong Linggo.


Tatagal ang registration hanggang Sabado, Hulyo 23, na para sa lahat ng uri ng aplikasyon na in-person nang gagawin.


Ayon sa Comelec, ang mga voter applicants ay maaaring pumunta sa Office of the Election Officer sa kani-kanilang district o city o municipality sa mga nabanggit na petsa mula Lunes hanggang Sabado, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, kabilang na ang mga holiday.


Sinabi ni Laudiangco na target ng Comelec ang mga bagong voters para sa Sangguniang Kabataan (SK) elections na magparehistro sa ibinigay nilang registration period.


“Ang target sa voters registration ay ‘yung mga bagong botante para sa Sangguniang Kabataan (SK)... Ito ‘yung mga magiging 15 years o 15 years old to 17 years old... Kung hindi pa 15 pero magfi-15 [years old] by December 5, 2022, pwede nang magparehistro,” aniya.


Kaugnay nito, ayon kay Laudiangco, ang mga kwalipikadong nag-apply na bumoto para sa regular elections kabilang na ang barangay elections ay iyong magiging 18-anyos na sa Disyembre 5.


“Para naman sa ating regular registration kasama na ‘yung sa barangay dito, ‘yung mag-e-18 years old on or before December 5,” sabi ni Laudiangco. Gaganapin ang barangay at SK elections sa Disyembre 5, 2022.


“Ang boboto sa SK sa December 5, 2022 ay ‘yung 15 to 30 years old; Sa regular barangay election, 18 and above... ‘Yung 18 to 30 years old, dalawang balota ang sasagutan nila dahil saklaw sila ng Barangay at SK elections,” paliwanag niya.


“Nakasaad sa batas na kailangan isagawa ang Barangay at SK elections sa December 5... Hangga’t walang batas para ‘wag itong ituloy, tuloy ang paghahanda ng Comelec,” giit pa ni Laudiangco.


 
 

ni Lolet Abania | June 23, 2022



Ipagpapatuloy na ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration mula Hulyo 4 hanggang Hulyo 23, 2022. Ayon kay acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, inaprubahan ng Comelec en banc ang resumption ng voter registration sa kanilang regular session na ginanap nitong Miyerkules.


Sinabi ni Laudiangco na nagdesisyon ang Comelec na ipagpatuloy ang voter registration dahil na rin sa napipintong Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Disyembre 5, 2022.


“Under RA 8189 (Continuing Voter’s Registration Act), voter registration is prohibited within 120 days prior to elections. Ang BSKE po is on December 5, 2022. Roughly starting August 7, prohibited na,” pahayag ni Laudiangco.


Binanggit naman ni Laudiangco na mayroon ding post-registration activities at requirements na kailangang iproseso ang poll body bago ang susunod na eleksyon.


“Roughly starting August 7, prohibited na. Therefore, we only have July 24 to August 6 to Post/Publish names of voter registration applicants; Calendar/Set the Election Registration Board (ERB) Hearings; Subject registrants to database verification; Conduct said ERB Hearings; Draft and Approve the Project of Precincts; Cluster established precincts as may be necessary,” paliwanag niya.


“Madami po kasing post registration activities and requirements na kailangan bigyan ng sapat na oras. Bukod pa po sa Petitions for Inclusion or Exclusions which will be filed with, heard and decided by MeTCs or MTCs,” saad pa ni Laudiangco.


Gayunman, ani Laudiangco, “the resolution will still be formally promulgated.” Ayon sa Comelec, nasa mahigit 67.5 milyon ang registered voters sa katatapos na national at local elections noong Mayo 9.


 
 

ni Lolet Abania | June 13, 2022



Mananatili si Law Department Director John Rex Laudiangco bilang spokesperson ng Commission on Elections (Comelec). Ito ang nakasaad sa isang memorandum na nilagdaan ni acting Comelec Chairperson Socorro Inting na may petsang Hunyo 10 subalit nai-release lamang ngayong Lunes, Hunyo 13.


Si Laudiangco ay nagsisilbing spokesperson ng poll body sa pamahon ng maikling pamumuno ni dating Comelec Chief Saidamen Pangarungan.


Itinalaga si Pangarungan sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 9, subalit ang kanyang appointment at ng apat na iba pa ay nalampasan o na-bypassed ng bicameral Commission on Appointments noong nakaraang buwan.


Si Inting ang naging acting poll chairperson kung saan siya ang pinaka-senior mula sa mga umuupong Comelec commissioners. Ayon kay Pangarungan, mabigat man sa kanyang kalooban tinanggap niya pa rin ang desisyon ng CA hinggil sa nasabing usapin.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page