ni Lolet Abania | December 14, 2021
Binawi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Martes ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador para sa 2022 elections.
Ginawa ito ni Pangulong Duterte sa parehong araw kung saan ang kanyang long-time aide na si Senador Christopher “Bong” Go ay mag-withdraw ng kanyang COC sa pagka-pangulo.
“The President has filed his withdrawal from the Senatorial elections,” sabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez sa isang tweet.
Matatandaang ang political party ni Pangulo Duterte na PDP-Laban, na pinangungunahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ay una nang ininomina ang Punong Ehekutibo bilang vice presidential bet ng partido para sa May 2022 elections.
Subalit, ayon kay P-Duterte, siya ay magreretiro na sa pulitika matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30, 2022.
Noong nakaraang buwan, naghain ang Pangulo ng isang substitute COC para naman sa pagka-senador.
Sa kanyang pag-file ng COC sa pagka-senador, ang Pangulo ay nag-substitute kay Liezl Visorde ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS).
Dalawang araw bago ito, naghain si Go ng substitute COC para sa pagka-pangulo sa ilalim din ng PDDS.
Sa ngayon, wala pang pahayag mula sa kampo nina P-Duterte at Go kung kailan at saan ang mga naturang opisyal ay nanumpa bilang PDDS members.