ni Lolet Abania | May 7, 2022
Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Sabado ang pagwasak ng mga depektib at roadshow ballots, dalawang araw bago ang national at local elections sa Lunes, Mayo 9.
Pinangunahan ni Comelec Commissioner George Garcia ang pagsira ng mga unused o defective official ballots, roadshow ballots, at iba pang accountable forms sa harap ng media, political parties, at ibang observers sa National Printing Office sa Quezon City.
Ayon kay Garcia, nakitaan ng quality control efforts ng Comelec ang mga balota na kailangang sirain dahil sa pagkakaroon ng mga defects gaya ng mga smudges o mantsa, maling kulay at maling size, at iba pang depekto nito.
Sinabi naman ng bagong itinalagang Comelec spokesperson na si John Rex Laudiangco, ang kabuuang bilang ng mga balota na kanilang wawasakin ay nasa 933,311.
Aniya, ito ay binubuo ng 586,988 defective official ballots at 346,323 roadshow ballots kung saan ginamit ng Comelec para sa kanilang voters’ education campaign.
Ayon kay Laudiangco, ang lahat ng defective at roadshow ballots ay sisirain nila nang tatlong araw.
Samantala, may kabuuang 67,442,616 official ballots ang naimprenta ng Comelec para sa 2022 elections.
Nitong Huwebes, inanunsiyo ng Comelec na lahat ng vote counting machines (VCMs) at official ballots na gagamitin para sa May 9 elections ay naipamahagi na lahat sa buong bansa.