ni Eli San Miguel - Trainee @News | March 6, 2024
Umabot na sa 910,918 ang bilang ng bagong botante para sa 2025 national at local elections, tatlong linggo mula nang simulan ang panahon ng rehistrasyon.
Base sa datos ng Comelec hanggang Marso 4, naitala ang bilang ng pinakamaraming aplikante sa Calabarzon na may 165,702. Sinundan ito ng National Capital Region na may 140,638, at Central Luzon na may 98,976.
Naitala naman ang pinakakaunting bilang sa Cordillera Administrative Region na may 10,346 lamang.
Inaasahan ng Comelec na magpaparehistro bilang bagong mga botante ang hindi bababa sa tatlong milyong Pilipino sa buong bansa bago ang mga midterm polls sa Mayo 2025.
Nagsimula ang rehistrasyon ng mga botante noong nakaraang buwan, Pebrero 12, at magtatapos sa Setyembre 30, 2024.
Maaaring magparehistro ang mga botante mula Lunes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, sa anumang opisina ng Comelec sa buong bansa.