Nitong Hunyo 1, ganap nang ibinaba ng gobyerno ang estado ng ating kuwarantina sa general community quarantine o GCQ.
Ano ang ilang mahahalagang nilalaman ng GCQ?
Ang ilan sa mga patakarang nasasailalim dito ay tulad ng paglilimita pa rin sa galaw ng publiko. Halimbawa, maaari lamang lumabas ng kanilang tahanan ang mga residente kung kailangan nilang bumili ng mga pangunahing pangangailangan sa bahay o essentials o kailangang pumasok sa trabaho na kabilang sa mga tanggapan at industriya na pinapayagang mag-operate sa ilalim ng GCQ. Hindi pa rin puwede ang mga pamamasyal.
At nasasailalim pa rin dito na bawal pang lumabas ang mga residenteng may edad 21 pababa at 60 pataas o ang mga tinatawag nating senior citizens. Hindi pa rin pinapayagang lumabas ang mga kababayan nating may mga malulubhang karamdaman, sapagkat sila ang pinakamadaling mahawahan ng COVID-19 dahil sa mahina nilang resistensiya. Kasama rin sa mga pinagbabawalan ang mga buntis.
Nabanggit na rin lang natin ang edad 21 pababa, senior citizens at ang salitang “essentials” para sa kaalaman ng mga kinauukulan, malinaw ang isinasaad ng GCQ guidelines: Hindi pa rin sila maaaring lumabas ng bahay, liban na lamang kung sila ay bibili ng mga mahahalagang bagay tulad ng gamot, pagkain at para sa essential services tulad ng pagkuha ng ating mga lolo’t lola ng kani-kanilang pensiyon.
Paano nila makukuha ‘yan, kung pagbabawalan silang lumabas ng kanilang bahay o restricted sila sa pagpasok sa mga establisimyento o sa paggamit ng iba’t ibang uri ng transportasyon?
May isa nga raw senior citizen ang hindi pinasakay sa public transpo dahil na rin sa batas na ipinatutupad ng IATF-EID. May isang lola naman na ilang oras naglakad papuntang MRT-3, pero nakapanlulumo na pagdating niya sa istasyon, hindi naman pala siya puwedeng papasukin sa tren dahil nasa batas na bawal pang bumiyahe ang mga seniors. Ang pakay nila sa paglabas — kukuha ng pensiyon.
Nasabi na natin at sasabihin nating muli: Sentido komon lang ang kailangan natin sa pagsasaalang-alang sa kapakanan ng ating senior sa panahong ito. Isipin naman natin kung paano nila makukuha ang mga serbisyong nakalaan sa kanila kung ‘ikukulong’ lang natin sila sa kanilang tahanan?
Halos tatlong buwan tayong humimpil sa ating mga bahay. Sa loob ng tatlong buwan na ‘yan, matinding hirap ang inabot ng seniors natin dahil hirap silang makabili ng kanilang gamot at iba pang kailangan dahil sa mga restriksyon sa kanilang kalagayan.
Para sa kaalaman ng mga kinauukulan, marami pa sa ating mga lolo at lola ang matanda lang sa edad, pero mas malalakas pa ang katawan at maaari pang magtrabaho.
Malinaw sa mga patakarang ipinatutupad sa ilalim ng GCQ, ang ating seniors ay hindi pagbabawalang sumakay sa public transportation basta’t ang kanilang lakad o pakay sa paglabas ay pasok sa ipinatutupad na guidelines ng IATF. Huwag natin masyadong sikilin ang karapatan ng ating seniors sa panahong ito dahil may mga matitindi rin silang pangangailangan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com