Dear Doc. Shane,
Ako ay isang ginang na edad 59 at limang tao na akong may diabetes. Meron akong maintenance para rito pero ang problema ko ay madalas sumakit ang aking mga binti lalo na kapag naglalakad-lakad ako o gumagawa ng ilang aktibidad. Minsan, parang nanlalamig ng mga ito lalo na kapag gabi. May kaugnayan ba ito sa aking diabetes? – Belen
Sagot
Ang mga ugat (daluyan ng dugo) sa mga paa ay puwedeng mabarahan ng taba kapag may diabetes ang tao. Dahil dito ay kumikipot ang mga ugat at nagkukulang ang daloy ng dugo sa mga paa at binti kaya ito ay sumasakit. Ang tawag dito ay Peripheral Arterial Disease (PAD). Kapag kulang ang dugong dumadaloy sa mga paa at binti, kulang din ang oxygen na nakakarating sa mga muscles.
Ano ang nararamdaman kapag may PAD?
Masakit ang mga binti kapag naglalakad subalit, nawawala pagkatapos magpahinga ng ilang minuto.
Namumulikat o madaling mapagod ang mga binti sa paglalakad.
Namamanhid o nanlalamig ang mga paa o binti.
Matagal maghilom ang mga sugat sa paa.
Tuyo at puwedeng nagbabalat ang mga paa o cracked ang balat sa paa.
Masakit ang mga daliri ng paa kahit na nakapahinga.
Karamihan ng tao, sa edad 50 pataas na may diabetes ay may PAD. Puwedeng sukatin ng doktor ang blood pressure sa mga binti at ikumpara ito sa blood pressure sa braso. Kapag mas mababa ang blood pressure sa binti kumpara sa braso ay puwedeng may PAD. Ibig sabihin, mas kaunti ang dumadaloy na dugo sa binti.
Makabubuti kung magpapakonsulta sa doktor tungkol Peripheral Arterial Disease (PAD) kung meron ng mga sintomas na nabanggit nang sa gayun ay maiwasan ang anumang peligro na atakihin sa puso, ma-stroke o maputulan ng mga paa.