Bukod sa pagsunod sa health protocols, kailangan natin itong sabayan ng madisiplinang pagtatapon ng basura.
Ito ay dahil maaaring pagmulan ng second wave ng COVID-19 ang mga basura, partikular ang hospital at laboratory waste kabilang ang test kit, hiringgilya, personal protective equipment (PPE) tulad ng facemask, gloves, lab at hospital gown, gayundin ang balot sa sapatos.
Ayon sa mga eksperto, ang virus ay nagtatagal sa facemasks at iba pang PPE nang siyam na araw kaya posible itong pagmulan ng pagkalat ng sakit kung hindi ito maitatapon nang tama.
Gayunman, ayon sa isang mambabatas, kahit bumaba na ang mga kaso ng sakit, posibleng manalasa ito muli kung hindi pagtutuunan ng pansin ang tamang pagtatapon ng mga basura mula sa mga ospital at laboratoryo.
Sa ngayon, kapansin-pansin ang mga nagkalat na disposable facemask sa mga kalsada na itinatapon nang basta-basta. Ang nangyayari tuloy, isa-isa pa itong dinadampot ng mga garbage collector na walang sapat na proteksiyon kaya ang ending, sila ang nagkakasakit at nakahahawa.
Bukod sa nakaaapekto sa mga tao ang maling pagtatapon ng single-use facemask, nakasasama rin ito sa kapaligiran, lalo na kung mapupunta ito sa tubig dahil ito ay nagiging banta sa buhay ng laman-dagat tulad ng isda.
Sa patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa, inaasahan ang pagdami ng medical waste, kaya naman hinihikayat ng mambabatas ang gobyerno na magpatupad ng alituntunin para sa maayos na pagtatapon ng medical waste.
Habang hindi natutugunan ang tamang pagtatapon ng medical waste, hindi nawawala ang banta sa kalusugan ng tao, kapaligiran at buhay ng laman-dagat.
Hindi naman mahirap ihiwalay ang ginamit na PPE at iba pang medical waste sa ibang klase ng basura kaya gawin natin ito, bilang tulong na rin sa mga garbage collector.
Sa ganitong paraan, mababawasan ang kanilang exposure at paghawak sa mga bagay na ginamit sa paggamot sa mga COVID-19 patients.
Noon pa man, malaking isyu na ang tamang pagtatapon ng basura kaya sa pagkakataong ito, gawin natin ito hindi lang para sa ating sarili kundi para sa ikabubuti ng nakararami.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.