Ipinambili ng alak, ipinansugal at ipinuhunan sa shabu, ilan ito sa mga naiulat ng ilang lokal na pamahalaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa ipinamimigay na Social Amelioration Program (SAP) cash subsidy sa mahihirap na pamilya na pang-alalay sa gitna ng krisis.
Dahil limitado ang benipisaryo, sinigurado ng mga lokal na pamahalaan at DSWD na karapat-dapat makatanggap ng ayuda ang mga pamilyang pasok sa programa.
Gayunman, tulad ng inaasahan, hindi lahat ng natanggap na ayuda ay ginamit sa mga pangangailangan.
Dahil dito, nagbabala ang DSWD na diskuwalipikado na sa mga susunod na ayuda ang mga umabuso at hindi ginamit sa tama ang natanggap na tulong. Kung 4Ps naman ang inabuso, bibigyan ng warning sa unang opensa pero kapag umulit, puwedeng suspindehin o tuluyan nang tanggalin sa listahan.
Pagkatapos nito, pipili ang DSWD kung sino ang puwedeng ipalit na karapat-dapat makatanggp ng tulong dahil kailangan umano ang ganitong konsiderasyon dahil may pamilyang puwedeng magutom kung tuluyan itong pababayan ng gobyerno.
Magandang hakbang ito para masiguradong nagagamit sa mga pangangailangan ang ayudang ipinamimigay ng gobyerno at hindi sa bisyo.
‘Yung iba kasi riyan, ang sasama ng loob ‘pag hindi nakatatanggap ng ayuda, pero todo-labas ng pera ‘pag bisyo ang kailangan gastusan.
Nakakahiya naman sa mga nagtatiyagang pumila pero umuuwing luhaan kahit may “K” makatanggap ng tulong-pinansiyal.
Para sa mga nakatanggap ng ayuda, gamitin n’yo ‘yan nang tama. Natanggap n’yo ‘yan dahil kuwalipikado kayo. At sa mga nakatanggap pero magiging diskuwalipikado, dapat lang ‘yan sa inyo. Mga sakit kayo sa ulo!
Sa parating na ikalawang bugso ng ayuda, maipamigay sana ito sa mga totoong nangangailangan at hindi sa mga mabisyo lang.
Nagsisikap ang pamahalaan para matulungan ang lahat ng nangangailangan kaya bilang benepisaryo, ipakita ninyong karapat-dapat kayong tulungan.
Hindi pinupulot ng gobyerno ang pondo kaya bilang pasasalamat, gamitin natin ito nang tama.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.