Sa panahon ng COVID-19 pandemic, napakahalaga ng pamumuno ng mga lider sa kanilang nasasakupan.
Mula sa nasyonal na pamahalaan hanggang sa lokal na pamahalaan at maging sa mga barangay, kailangang masunod ang ipinatutupad na batas, gayundin, silang mga lider ang dapat manguna sa pagsunod sa mga ito para tularan ng mga residente sa nasasakupan.
Pero paano kung lider mismo ang lalabag sa batas, at ang masaklap, umaabot sa punto na may maaagrabiyado?
Kaugnay nito, apat na opisyal ng barangay ang sinampolan ng Bayanihan to Heal As One Act matapos arestuhin dahil sa pag-padlock at pagkulong sa mister na suspected COVID-19 patient sa sariling bahay sa Sampaloc, Manila.
Batay sa ulat, pumunta sa tanggapan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang kaibigan ng mister at sinabing ini-lock ito kasama ang apat na menor-de-edad na anak at asawa. Arestado ang dalawang kagawad, ex-bgy. official, tanod, habang hinahanap ng mga awtoridad ang isa pang tanod.
Ayon sa pulisya, lumabag ang mga suspek sa City Ordinance No. 8624 o discriminating against a person suspected of having COVID-19 at arbitrary detention ng Article 124 ng Revised Penal Code at Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal As One Act.
Ini-lock ng mga suspek ang pamilya sa kanilang bahay, upang hindi umano makahawa dahil pinaghihinalaang may COVID-19 ang padre-de-pamilya kahit dumaan ito sa swab test at nag-negatibo.
Nakakadismaya dahil kung sino pa ang lider, sila ang nangungunang lumabag sa batas.
Porke may posisyon, matapang at dedma na sa karapatan ng ibang tao?
‘Wag ganu’n, mga sir. Sa panahon ngayon, hindi nalilimutan ng taumbayan ang bawat kilos na ginagawa n’yo kaya kung patuloy kayong mambabastos at lalabag sa batas, wala kayong lugar sa gobyerno!
Kung totoong concern kayo sa inyong nasasakupan, umaksiyon kayo nang tama, hindi ‘yung depende lang sa trip ninyo.
Panawagan sa kinauukulan, patuloy na parusahan ang mga tulad nilang opisyal. Ipakita na may ngipin ang batas at wala itong sasantuhin.
Nasa serbisyo-publiko kayo, kaya kayo dapat ay alam n’yo ang tamang paraan sa paghawak ng kaso ng COVID-19 sa inyong nasasakupan.
‘Ika nga, bawat hakbang ng mga lider ay maaaring makasama o makabuti sa nasasakupan, kaya magsilbi kayong mabuting ehemplo para tularan ng publiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com