Karla, aminadong nagka-career uli dahil sa anak na si Daniel

Nagbahagi ng kanyang sentimyento si Karla Estrada via video na ipinost niya sa kanyang social media account kagabi.
Tulad ng ibang Kapamilya stars, naglabas din ng kanyang saloobin ang ina ni Daniel Padilla.
"Ako po ay magbabahagi lamang ng aking sentimyento, pagkalungkot at siyempre, pagkabigla dito sa nangyari sa amin sa ABS-CBN," panimula ni Karla.
Ramdam daw niya ang kalooban ng mga momshies na gaya niya na dumaraan sa hirap ng buhay dahil sa COVID-19 pandemic.
"'Yung bigla kang nawalan ng trabaho? Ang tagal kong na-experience 'yan kaya alam ko ang pakiramdam at pangamba. Pangamba na hindi mo alam kung saan ka kukuha ng ipapakain mo sa pamilya mo, sa mga anak mo sa mga susunod na araw. Galing po ako d'yan, mga momshies.
Twenty-eight years ko pong dinaanan 'yan. Kaya alam ko po ang pakiramdam. Karamay ninyo ako sa pangamba at takot na 'yan," paniniyak ni Karla.
Hiling niya sa mga momshies, tulangan siya at ang iba pang Kapamilya stars sa pananalangin.
"Sama-sama po tayong magdasal na haplusin ng Panginoon ang puso ng mga taong nagbubunyi sa pagkawala ng ABS-CBN sa ere. Ang pagbubunyi nila ay kapalit ng ilang libong taong manggagawa at trabahador na katulad namin na nawalan ng trabaho, sa gitna ng krisis na meron tayo ngayon, sana, hinihiling ko na samahan n'yo kaming magdasal na palambutin ang mga puso ng mga taong nagbubunyi at gumawa."
Pakiusap pa ni Karla, samahan din daw sila na magdasal na maibalik sa ere ang ABS-CBN para sa napakaraming kababayan natin na naputulan ng inspirasyon. Mga naputulan daw ng pagkakataon na marinig at matulungan.
"Mga momshies, alam ko ang pakiramdam ng nagugutom dahil galing ako diyan. Hindi mo alam kung saan ka kukuha ng pambayad mo sa mga bills mo.
"Alam n'yo 'yung parang pinagsarahan ka ng pinto habang nakikiusap ka kung puwede ka bang makahiram ng pera, bigas.
"Dinanas namin lahat 'yan. Dinanas namin lahat 'yung sitwasyon na 'yan. Ramdam ko 'yung mga mensahe na, 'Kailan kayo babalik?' 'Hindi ninyo ba kami ipinaglaban?'
"Ipinaglaban namin kayo, kung alam n'yo lang. Pero alam n'yo po, ang pinakamabisang sama-samang pakikipaglaban natin ay ang pagdarasal. Na tayo sana'y maging united sa panahon ngayon.
Tayo talaga dapat ay nagtutulungan. Hindi tayo dapat magkawatak-watak ngayon. Kailangan natin ang isa't isa."
Ipinahatid naman ni Karla ang kanyang pasasalamat sa ABS-CBN at sa mga Kapamilya.
"Dahil sa tiwalang ibinigay ninyo sa anak kong si Daniel, sa ibinigay ng ABS-CBN, 'yung pagkakataon na 'yun, nabigyan din ako. Nasama rin ako. At 'yung pagkakataon na ibinigay ng ABS na 'yun ay nagkaroon ng pagkakataon na makatulong, hindi lamang sa aking malawak na pamilya," pagtatapos ni Karla.
***
SARAH, TIKOM ANG BIBIG SA PAGPAPASARA
SA ABS-CBN

Sa gitna ng pakikipaglaban ng mga Kapamilya stars dahil sa ABS-CBN shutdown, tahimik man si
Sarah Geronimo, este Sarah Guidicelli, may ipinost naman siya sa kanyang Instagram account na piktyur ng malaking ribbon na identified sa ABS-CBN.
Caption ng misis ni Matteo Guidicelli sa naturang piktyur: "Praying for my ABS-CBN family."
Comments naman ng mga followers ni Sarah…
"Hope you find your voice."
"Hope she'll speak out."
"It is necessary for her to speak out on the matter if she already uses the most powerful and that is PRAYER. Let's just respect her decision to keep the matter low key."