ni MC - @Sports | August 29, 2020
Nakikipag-usap na ang Philippine Basketball Assoiation (PBA) sa posibleng pagbubukas ng liga sa Dubai at target umano nitong itayo ang mala-NBA na Bubble sa Coca-Cola Arena kung saan puwedeng manatili ang mga manlalaro habang patuloy ang Philippine Cup.
Kinumpirma ito ni Commissioner Willie Marcial kung saan nagkaroon na umano sila ng meeting kay Mark Jan Kar, ang commercial director ng kilalang arena sa Dubai kung saan ginawa ang ilang mga nakaraang PBA Games.
"Nag-inquire sila tungkol sa ano ang mga kailangan kasi very willing sila to have the PBA Bubble in Dubai," anang Commissioner.
Ayon kay Marcial, nagkaroon na sila ng palitan ng email ni Kar kaugnay sa proposal.
Pero sinabi ng Commissioner na lahat ay pag-uusap lamang at masyado pa umanong maaga para sa ganoong proposal.
Inamin din ni Marcial na maraming mga tao ang nagpahayag ng interes para sa hosting ng bubble matapos ianunsiyo ng liga na balak nilang magtayo ng Bubble na kagaya nang sa NBA para sa muling pagsisimula ng liga.
Binanggit ni Marcial ang Laguna (Inspire Sports Academy), Batangas, Subic at ang Smart Araneta Coliseum na mga lugar na ikinokonsidera para sa itatayong PBA bubble.
May nag-suggest din umano na gawin ang liga sa Palawan, Baguio at Laoag na lahat ay nag-host na ng mga nakaraang laro ng All-Star Games.